madalas, sa dalas ng kadalasan
nagigising ako, sa lamig ng madaling-araw
o sa mga umaga na kinakalabit
ng sinag ng araw ang aking mga talukap
hinahanap kita, hahanapin
gagalugarin ng aking mga kamay
ang gusot ng mga kumot at latag ng banig--
wala ang iyong mainit na kabuuan
at iisipin ko na lamang, na marahil
bumangon ka na't nasa piling
ng mga kawali't takure, nagsasangag
nag-iinit ng tubig at babangon ako, patakas
na yayakap sa iyong likod, magsasambit
ng "Magandang umaga!"
ngunit
muli't muli, sa isipan lamang kongkreto
ang mga abstraktong hangarin
matagal-tagal pa, daan-daan pang mga umaga
daan-daang mga araw
ang lilipas, palilipasin, bago maging ganap
ang mga hangarin
mahaba pa ang mga lakbayin at landasin
ngunit tiyak ako, tiyak tayo sa tunguhin
na isang araw, sa gitna ng daan-daang sandali
sabay tayong mag-aalmusal
magkasalo sa isang tasang kape at pandesal.