Martes, Nobyembre 22, 2011

Pantay

magugulat ang lahat
ihahayag sa lansangan
ang lahat ng ayaw nating marinig

ilalatag sa daan ang mga bangkay
ng mga inagawan ng hininga
mula't sapul ng kasaysayan ng protesta

mapupuno ang lansangan ng mga paa
ng mga kamaong tumutuldok sa hangin
umaawit ang paligid, makapanindig

kasama ka sa lahat ng ito
hindi ka kailanman makahihindi, makalyo
ang iyong palad at talampakan

iisa ang mga ugat natin, kung magbukal
na ang daluyong ng himagsik, kawit-bisig
tayo sa pananalig, iisa ang ating hininga

lilikha tayo sa dilim
ng umaga.

Realisasyon*

na parang wala tayong
nakaraan,
na tila hindi tayo nagtago
sa dilim at inusal
ang pagmamahal,
nang kaninang magkasalubong
tayo at ilahad mo
ang iyong kamay,
parang kampay
sa hangin,
sumesenyas
ng pagtigil
at paglayo...

na tila ako nalulunod
sa sariling hiya at dismaya,
anumang oras,
lilipad sa kawalan
ang aking hininga
nang kaninang tila ihip
lamang akong dumaan
sa iyong harapan
at ni ganting-ngiti
ay walang bakas, pagkakait...

na, oo, kamalian ang hindi
pagtalima
sa pinagkasunduang tratado
ng bukal na pagsuyo;
dagok ang mga damdaming likha
ng hindi paghindi,
ng aninong likha ng sarili
at alinsunod sa dugong dumadaloy
sa iyong ugat:
ako ang mukha
ng dismaya at di-pagkakasundo,
na sa kamalas-malasan
ay magbunga
ng paglalayong-mundo, distansya
ng mga patlang at puwang...

na sa huli'y aral ang pag-iral,
ang paghindi sa mga kahindi-hindi...

katam na huhubog sa pagkatao
nitong ginoong sa iyo
ay maglalaan, sa habang panahon,
ng buhay
at
pagsuyo.

*kay G.

Pagbabawal*

Sinabi niya ang hindi nararapat:
“Iwaksi ang pangungulila sa aking piling
At manatili sa kung ano ang lapat
Ng mundo.” “Huwag, huwag munang ibuhos
Ang iyong oras at sarili,” sambit niyang tila
Nagtitiyak ng pagpipigil sa agos ng luha.

May takda ang panahon, at kung papalarin,
Ang ngayon ay tumutugon sa bukas, na
Maglalakad tayong nakangiti sa alpombrang
Tumutuloy sa pag-iisa ng ating kaluluwa.

Sinasabi niya ang mga nararapat, at humihiling
Na sana, kahit sandali, pakinggan mo.
Iyon ang kaniyang naisin. Hindi ka niya ililigaw.

Hindi ba’t binanggit
Mo na siya ang maggigiya ng sagwan
At tatalimain ang kaniyang mga pahayag.
Oo, tiyak ang iyong pagtitiwala,
Wala mang sumpaan, Dinadala niya
Ang iyong pangarap sa kaganapan.

Kung minsan,
Pagbabawal din
Ang pagmamahal.

*kay G.

Hangin*

Nasa tabi mo ako ngayon,
hindi ako mahihimbing.
Babantayan lamang kita,
at titiyaking walang lamok
ang makadidikit
sa iyong balat.
Sisiguraduhin kong maayos
ang pagkakalapat
ng malamig na bimpo
sa iyong noo.
Aayusin ko
ang pagkakagusot
ng nakayakap sa iyong kumot.
Aabangan ko
ang oras ng pag-inom mo ng gamot,
ako
ang aalalay sa iyong likod
habang nilalagok ang maligamgam
na tubig.
Titigigan ko ang iyong labi,
hahanapin ang bakas
ng hiningang iniluluwal nito.
Pakikinggan ko
ang ritmo ng iyong puso.
Maya’t maya kitang dadampian
ng aking palad, aalamin
lagay ng init ng iyong katawan.
At kung maaari,
pahintulutan mo sana
ang panakaw kong mga halik
sa iyong pisngi
at ang paminsan-minsan kong yakap,
makagagamot din marahil
ang mga ito.
At kung matitiyak ko
na mas mabuti na ang iyong lagay
at pakiramdam, huwag kang mabibigla
kung hindi pa ako mapapalagay.
Ang layon ko’y lusawin
ang lahat mong hinaing at sakit,
kung maaari, nakawin sa iyo
ang lahat ng pasakit.
Kumukurot sa aking dibdib
ganyang tipo mo ng pagpikit,
ang mala-pagal
na pag-uwang ng iyong labi,
ang bagsak ng iyong katawan
sa higaan, ang lukob ng kumot
sa iyong kabuuan. Sinta, malayo man
ang pagitan
ng ating mga naisin, ganap pa rin
kitang kakalingain.
Nariyan ako sa iyong tabi,
hindi man bilang
ako
kundi
bilang isang hangin.

*kay G.

Wala Ka Sa Pangungulila*

Hinahanap kita sa ihip ng hangin,
baka sakaling iyon ang iyong mga kamay
na humahaplos sa akin.
Hinahanap kita sa tubig,
baka sakaling iyon ang iyong labi
na humahalik sa aking pananalig.
Hinahanap kita sa apoy,
baka sakaling ang sayaw nito
ang ngiti mong hindi naluluoy.
Hinahanap kita sa lupa,
baka sakaling ito ang dibdib mong
nagtatago ng iyong puso’t pagsinta.

Hinahanap kita sa lahat ng pagkakataon,
sa lahat ng panahon
at destinasyon.

Hindi kita mahahanap sa pangungulila,
karayom lamang itong tutusok
sa aking gunita.
Kaya’t hinahanap kita
maging sa linya ng mga tula,
At nakita kita,
oo, natagpuan,
nakangiti
bilang aking buhay,
musa at
tala.

*kay G.

Danas Ng Burgis Minsang Manakawan Ng Ulirat

Matatawa ka kung ilalahad ko pa ang mga nangyari.
Wala nang dapat pang alalahanin, nailibing na sa kahapon
Ang gusto mong alamin. Kahiya-hiya. Walang duda.
Naramdaman mo na marahil ang manakawan ng ulirat,
Taksil na kukunin sa iyo nang di namamalayan. Kahanga-
Hangang milagro ng babasaging baso, talagang magaling
Manghalina ang pait at tsiko. Ay! Kaypalad ko. Oo!
At kung nais mong alamin, sasabihin ko sa iyong sa bangketa
Ako nain-in. Ang gabi, walang iniwang bakas; inabutan
Ng umaga, sa bangketang ilan taon ko ring nilandas.
Nagmimilagro rin talaga ang mundo, kung hindi, maniniwala
Ka ba, na maaring naglalamay ang aking pamilya, ngayon,
Pagkat pisak nang aking bungo dahil sa sagasa ng gulong.
O marahil, baldado akong nahihimlay sa malamig na banig
Ng ospital. O mas nakahihindik, napagtripan ako ng mabangis
Na lungsod, ginutay-gutay ang yayat kong katawan at isinakay
Sa dibdib ng ilog. Ilang araw pa bago ako matatagpuan.
Wala, wala nang dapat pang alalahanin, nailibing na sa kahapon
Ang gusto mong alamin. Wala naman akong dapat pang isalaysay.
Wala namang saysay ang ilalantad ng aking dila. Hindi ito kuwento
ng bayaning iniligtas ng mundo. Pahayag ito ng isang gago,
na niyabangan ang sarili at magsisisi sa dulo.

Gugu*

walang dapat ipagsumpa
o pangakong dapat ilahad

tiyak ako sa dikta nitong palad
ikaw ang gatlang-nagtatakda
ng katuparan ng mga pangarap
ikaw at ikaw ang hinaharap

walang dapat ipagsumpa
o pangakong dapat ilahad

tiyak ako sa ating paglipad
ikaw ang pakpak ng gunita
ng kaganapan ng mga adhika
ikaw at ikaw ang magdidikta

walang dapat ipagsumpa
tiyak ako sa ating pagsinta.

*kay G.

Menos Diyes Para Alas Tres, Sa Gitna Ng Lungsod*

nagtatalik ang pawis sa mga dibdib
nating pinagod ng pusok, liblib
ang sulok ng ating mundo sa maingay
na takbo ng sibilisasyon.

panatag tayo sa isa't isa, marahan tayong
lumilikha ng ating patutunguhan.
nagtatalik ang pawis sa mga dibdib,
pinakakalma tayo ng mga luhang hinugot
sa pananalig ng ating mga damdamin:
ikaw at ako, sa anumang ligalig at mga pagtatangka
ay may katiyakang tinatahak.
matapat tayong nakayakap
sa kabuuan ng ating mga kaluluwa,
kayhigpit
ngunit walang punit na gunitang iiwan
ang dalawang oras nating mundo.

bagkus
itinatanim natin sa lupa ng bukas
ang isang maalwan na ngiting
handog sa isa't isa,
na gigising tayo,
balat sa balat

sa laksang umaga
na ating pagsasaluhan
sa hinaharap.

*kay G.

Krusyal*

kapit-kamay,
titiyakin natin
na ang katuparan
ng mga naisin
ay magaganap
sa takda ng ating
mga damdamin

sa ngayon,
hayaan muna nating
humalik
ang langit

saka na,
kung naroon na tayo
sa kaganapan
ng mga pangarap
kung naroroon na tayo
sa pag-iisa,

doon
natin
pagniniigin
ang sukdol
ng mga damdamin.

*kay G

Nobyembre

malagim
ang mawalan ng ulam
at maubusan ng tubig
kung uhaw na't mabibilaukan
napakalagim
maglakad habang
nilalandi ng tirik na araw
ang iyong batok at anit
sobrang lagim
ang umiyak dahil iniwan ka
sa ere ng iyong kaibigan
at oo, malagim ang matinik
sa lalamunan
walang kasing lagim
ang hindi mabahing
kung iyan na nga't mababahing
o ang kati na di makamot
ay! nakayayamot

marami
dose-dosena, laksa ang lagim
sa paligid

ngunit kung alam mong
malalagim ang mga nabanggit
hindi ka ba mangungulit
kung aking sasabihin

na pinakamalagim
sa pinakamalalagim
ang manahimik

at mawalan ng pakialam

habang dumadanak
ang mga dugo
sa mga asyenda't
tubuhan

paulit-ulit
tuwing nobyembre?

Paumanhin*

paumanhin, kung hindi ka niya maalayan ng tula
ngayong nag-aagaw ang buhay ng dilim
at umaga. paumanhin, pagkat natutuod na
naman ang taludturan ng abang ginoo
na di patulugin ng mga larawan mong
nakapagkit sa dingding ng kaniyang isipan.
paumahin, ngunit wala siyang tinig na maiusal
kundi himig lamang ng kaniyang pagmamahal
at pagtatangi sa mga alaalang nilikha
at lilikhain pa lamang ng inyong mga puso.
paumanhin, kung ang nais niya'y bumuo
ng matatayog na bukas ukol sa inyong pagsinta.
paumanhin, at nais niyang pumitas ng bulaklak,
ng petalya na iaalay niya sa iyong mga palad.
paumanhin, sa maliligoy na mga salita, sa malalabay
na pagpapaunawa na ito siya at handang manatili
sa haba ng panahon at tagal ng mga sandali.
paumanhin, pagkat ang lahat ng bagay ukol sa
paghinga ay nilagom niya sa iisang musa.
paumanhin, ikaw ang musang kaniyang itinakda.
paumanhin, pagkat tiyak ang lahat sang-ayon
sa kaniyang kumpas. paumanhin, ikaw ang ngayon
at bukas ng kaniyang kaganapan.
paumanhin nang buong katapatan, hindi ka maalayan
ng isang taludturang sintimyas ng kundiman.
pagkat ngayong naglalaro ang dilim at umaga
walang tulang makatutumbas sa iyong pagsuyo
lalo pa't binanggit mong "mahal kita nang buong puso
at pagkatao!"

Muamar

mapusyaw ang imaheng inilalantad
ng mga larawang inihahasik
sa mga diyaryo, telebisyon at balitaktakan
sandaigdigang pagmamanipula
sa dapat kainin ng isip at mata

malamig ang isinisingaw ng disyerto ng Libya
patay! patay na ang nagsaboy ng langis
sa bunganga ng mga mamamayan ng Libya
patay! patay na ang libreng pabahay,
ang libreng edukasyon, ang libreng koryente
ang libreng pagpapagamot
buhay! buhay nang muli ang bangungot!
bumabangon sa hukay ang salimuot
ng mga bukas
na ang langis ay sawsawan ng dangal
at pagkadakila ng mapagmahal
na bayan ng gatas at pulot

patay na ang naghangad ng katiwasayan
sa maligasgas na buhanginan
ng Libya
kalkuladong kinitil ng limampu at isang bituin
na binubuhay ng pagsupil
sa mga bayang kanilang masisiil.

Okupa

kubkubin ang lungsod
atin ang dapat ay atin
gumagana ang mga paa
landasin lansangan
ng mga protesta
walang kapagalan
kung hangad ay katarungan
laban sa sistemang
nagligaw sa atin
sa dapat ay atin
at kung mamarapatin
ng dakila nating hangarin
bukas-makalawa
atin na ang kalunsuran
patag na'ng kabundukan
at ganap na'ng kasarinlan,
ipagpupugay pagkakapantay-
pantay
ng masang sambayanan.

Natatangi*

natatangi ang lahat ng bagay na umiinog sa iyo
at sa pagitan natin.

nauunawaan tayo ng ulan. kung paanong dapat magdikit
ang ating mga katawan sa tuwinang iiyak ang langit,
alam ng ating mga pulso. tintiyak ng puso ang mga hangarin.

naikuwento ko sa iyo, na sa tuwinang nagtatagpo tayo
sa siping ng bawat isa at ika'y panatag na nahihimbing,
naikuwento ko sa iyo, na pinagmamasdan kita,
ang iyong paghinga, ang ritmo sa iyong tiyan
at mahinang awit ng iyong pananaginip. ang mga gatla
sa iyong natural na labi, ang uwang ng pagod, ang kislap
ng iyong ngipin na hinalikan ng lamparang lumagom
sa silid. ang lugay ng iyong buhok, pilik sa iyong mga mata
na nais kong bilangin. ang iyong noo, ang talukap na nagtatago
ng iyong balintataw. ang pisngi mong dinadampian ko
ng halik. mula ulo hanggang nunal sa iyong talampakan,
kinakabisa nitong ginoong sa iyo'y dumadakila.

pagkat, natatangi ang lahat ng bagay na umiinog sa iyo.
pinagmamasdan kita sa pinakapayak mong anyo,
hayaan mong manatili ang ganito, at kung mamarapatin mo,
sinta, natatangi ang bukas na ilalaan ko sa iyo.

*kay G.