ay ang lalaking hindi na natagpuan matapos ang mahabang orkestra ng ulan.
siya ang lalaking nasagasaan ng 10 wheeler truck habang tumatawid sa kahabaan
ng road 10 at tumalsik-lumapag-lagapak sa gilid ng bangketang katabi ng Escano Liner.
siya rin ang lalaking nag-uunahan ang mga paa at tangan-tangan ang sako ng paninda
habang tinatakasan ang panghuhuli ng mga basalyos ng MMDA empire. siya ang lalaking
nangangalkal ng basura sa gilid ng McDonalds, sa kanto ng Juan Luna at Recto,
sa ilalim ng KP Tower, at hinampas ng security guard sa batok dahil nakareserba na
ang basura sa iba. siya rin ang lalaking pawisan na naghuhukay-hanap ng mga bangkay
na tinabunan ng landslide sa Commonwealth, Quezon City. siya ang lalaking namatayan
ng siyam na kapamilyang nilamon ng lupa: asawa, mga anak at mga apo. siya ang lalaking
nagbebenta ng Goodmorning towel sa mga motorista sa kahabaan ng Aurora Blvd.
sa Cubao at siya rin ang lalaking nagtitinda ng nagyeyelong bottled mineral water sa tapat
ng Arellano University pagkababa ng tulay ng Nagtahan patugpa sa University Belt. siya rin
ang lalaking drayber ng R & E taxi na dilaw at green ang mode ng pintura na nagpapatong
ng bente sa pasahe ng mga isinasakay. siya ang lalaking nakanganga sa tapat ng nagla-live
show na babaing-makinis, sa isang tagong beerhouse sa pusod ng Avenida, Rizal. siya rin
ang lalaking nanghuli ng sawa sa Pateros. at siya rin ang lalaking naliligaw at hindi naibaliktad
ang damit. siya ang lalaking nalaslasan ng bulsa dahil sa kalasingan at walang pamasahe pauwi.
siya rin ang lalaking nakaluhod at nagdarasal sa pinakaunang hilera ng upuan sa simbahan
ng Quiapo. siya si Julio Madiaga, siya rin si Islaw Palitaw, si Popoy Dakuykoy, si Damian Rosa,
Tata Selo, si Simoun, si Basilio, si Elias. at siya rin ang lalaking hindi matagpuan ang sarili
dahil sa pataw ng lipunang nagputong sa kanyang ulo ng laksang-tonelada ng responsibilidad
"Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat." --Roque Dalton, salin ni Rogelio Ordoñez
Biyernes, Agosto 17, 2012
Nang Sumilip Ang Araw
pansinin: nakasilip ang araw, nakangiti
nangungutya, nanunudyo
sa mga puyong nangagyuko
habang nililimas ang putik
sa mga pader at haligi,
hinahaplos ng mga martilyo
ang naulilang bubong.
malansa ang samyo ng hangin,
sumanib ang luha at dugo.
isang matigas na bangkay, nakangiwing
labi, balot ng putik ang katawan--
tumigil na ang ulan at
sumilay ang kawalang-katiyakan.
nangungutya, nanunudyo
sa mga puyong nangagyuko
habang nililimas ang putik
sa mga pader at haligi,
hinahaplos ng mga martilyo
ang naulilang bubong.
malansa ang samyo ng hangin,
sumanib ang luha at dugo.
isang matigas na bangkay, nakangiwing
labi, balot ng putik ang katawan--
tumigil na ang ulan at
sumilay ang kawalang-katiyakan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)