Linggo, Hulyo 10, 2011

Dagli

balat sa balat
silang nag-usap
sa himig ng mga hugong
at busina, sa basbas
ng usok at ulan, saksi
ang estrangherong mga mukha
            ikinasal sila
sa altar ng dyip
dakilang altar ng pagtitiyap
"bayad muna, bago baba"
banal na utos, pagsamba

drayber ang pari, silinyador
at preno ang bathala ng sandali
ilang minutong lagkitan ng pawis
porselanang binti, haplos ng maong
matamis na halikan
ang iglap na salpukan
ng mata

mamaya,
sa terminal
hiwalay silang bubuo ng pamilya.

Ang Paninindigang Lupa At Lupa, Wala Nang Iba

sa lupa kami nabuhay
sa lupa kami nabubuhay
sa lupa kami mabubuhay
sa lupa kami mamamatay

lupa ang aming gulugod
lupa ang aming tuhod
lupa ang aming balat
lupa ang aming mga sugat

kami ang lupa ng palay
kami ang lupa ng uhay
kami ang lupa sa kaparangan
kami ang lupa sa tubuhan

lupa ang aming hangad
lupa ang guhit sa aming palad
lupa ang aming hininga
lupa ang aming pakikibaka

hindi stock, hindi stock
hindi ang pinagpipilitang niyong stock!

Isandaa't Labingsiyam

wala na ang mga bonifacio...
ang mga sakay, del pilar, luna
ang mga malvar, mabini, jacinto
ang mga magbanua at tandang sora

wala na ang katipunan
ng mga nag-aalab na tabak
mga kaluluwang nagtagpo
sa kangkungan
at nagbanyuhay sa apoy ng rebolusyon

iglap na hininga silang inutas ng dahas, sakit
tapang at pagmamahal sa lupang tinubuan

hindi sila ninakaw ng katandaan

tulad ng maraming aguinaldo
ng mga mahuhusay na bayaning inabot
ang tamis ng uban
ang kadakilaang dinala hanggang kamatayan
at dinadala, hanggang ngayon, ng kamag-anakang
nagliliwaliw sa kinang ng ginto
ang angkan ng luho, kapangyarihan at kasakiman

wala na ang mga bonifacio...
ang mga sakay, del pilar, luna
ang mga malvar, mabini, jacinto
ang mga magbanua at tandang sora

wala na ang mga bonifacio...
sa kalunsuran

sila'y kasalukuyang buhay
sa lupain ng mga kabundukan.

Sapak

sinapak niya ang sheriff, blackeye
huwag kayong mabibigla
mainit ang kaniyang ulo-- at mayroon
siyang lisensiya,
isa siyang Duterte

pagbigyan na natin siya,
tutal, may dahilan si Mayora
hala! sa kaniya itututok ang kamera

walang puwang sa media
ang sira nang barungbarong
ang mga tatay at nanay na inagawan, sinapak
ng demolisyon
hindi magandang materyal
ang batang wala nang matitirhan

hindi ito papatok, at masakit sa batok
hello? dagsa ang komersiyal
kung si Mayora
sa Headline at Flash Reports ilalahok.

Paano?

susunduin tayo nilang mga nauna,
silang lahat na naputol na ang hininga--
sa anumang paraan, panakaw man o hindi:
mga punglong naglagos sa dibdib at bungo
mga mukhang binakbak ng lupa
mga leeg na binigti ng alambre
mga tiyang pinapintog ng water cure
mga katawang pinalipad sa hangin
         habang kinakalinga ng bugbog
mga dugong sinipsip ng malarya
                                                            o
mga matang tinirikan ng kandila
mga kamay na pinalapa sa asong sing-ulol
                 ng mga berdugo
mga puking pinasakan ng bote, pinaso
mga bayag na kinuryente, itinali, hinila, pinaso
                                                            o
mga namatay sa sakit, mulang ulo hanggang buto
mga nabulok sa karsel at bilangguan
mga itinapon sa banyagang mga lupain
mga nawalang hindi na matagpuan
mga mistulang hangin na di na makikita
silang mga nauna

tayo, buhay tayong naghahasa ng panahon
patuloy sa pakikitalad at pakikihamok
multo man ang mga sundang-na-saksak
              ng nakaraan at kasalukuyan
naghahasa tayo ng kasaysayan
susunduin tayo nilang mga nauna,
ang tanong nila'y hindi "Paano ka namatay?"
kundi "Paano ka nabuhay, Kasama?"
"Paano?"