Anak, maghanda ka!
Sapagka't nariyan na sila.
Ayusin mong mabuti ang iyong tirador,
higpitan ang pagkakatali ng goma
nang 'di pumitik sa iyong pagbatak.
Siguraduhing may mga imbak
ka ng graba sa iyong bulsa
at umasinta kang tulad ng agila.
Sipatin nang mahusay ang ulo ng mga kaaway
o kaya'y ang mga bayag nila't kamay.
Ihanda mo na rin ang mga bote
at ilang batong malalaki.
Ihanda rin palanggana at batsa
na siyang pananggalang natin
sa mga halimaw at diyablong
aangkin sa ating pinakamamahal
na barungbarong.
Ikaw nang bahala sa Inay mo't mga kapatid.
Hayaan mo akong makibaka sa harapan, anak.
Maghahamon ako ng suntukan, ipagtatanggol
ang ating karapatan bilang maralita.
Tandaan mo, atin itong San Roque.
Sapagka't kung ang marapat na pinagsisilbihan
ng pamahalaan ay ang mahihirap na tulad natin
at ang San Roque'y pag-aari ng gobyerno,
kanino nga ba dapat ang lupaing ito?
Maging matapang ka, anak.
Dugo man ang dumanak,
tayo'y mananatiling marangal.
Napakapayak ng paggamit ng mg salita at pananaludtod pati ang hugot ng mga paksa. Napakagaan tulad ng kapirasong dahon nililipad ng hangin. Madulas ang dampi at pananalaktak ng mga salita at talinhagang payak. Mabuhay ka mjr!
TumugonBurahin