Linggo, Enero 30, 2011

Ayon Sa Kasaysayan

ayon sa kasaysayan
kumpol ng maliit na isla
ang dating sakop ng Mendiola
libingan ng mga lakan
at bayani
ang dating maputik na sakop
na nang lumao'y
tinirikan ng lupalop ng kaharian
ng mga sugapa sa kapangyarihan

ayon sa kasaysayan
dito sumiklab ang maraming labanan
dito naitanim ang maraming kamatayan
ng mga magsasaka
dito naukit ang maraming karahasan
sa mga estudyante't aktibista
dito kung saan patuloy na umaawit
ang musika ng protesta

ayon sa kasaysayan
kumpol ng maliit na isla
ang dating sakop ng Mendiola
naging libingan ng mararangal
at sang-ayon sa kuwentong ito
ng kasaysayan
dito uusbong ang ganap
na kalayaan
dito kung saan iniuukit
ang makauring digmaan

2 komento:

  1. gusto ko ang tulang ito...mahirap ipaliwanag ang dahilan ngunit isa lang ang nakikita ko...simple ang pagdadala at magaan ang mood ng manunulat at ng kanyang piyesa...ayon sa kasaysayan, ikaw ay isang makata ng bayan!...

    TumugonBurahin
  2. salmat pare.. hehe.. ayon sa kasaysayan, ilang daang obra ang iaanak ng iyong pluma...!

    TumugonBurahin