Ikaw,
Kung kailan ka naging bahagi ng isang palihan, bakit duon ka didikdikin ng alinlangan? Na ang sariling mong paglikha ay nilalagom ng "baka" at "paano". Baka mali? Paano kung ganito? Kung ganyan? Naipit ka sa paglikha at pagtantiya sa mga matang magbabasa.
Napakahirap.
Ito ba ay proseso ng paglago, pag-unlad? O ito ang punto na kailangan mo nang magdesisyon at alamin ang bisa ng iyong musa, nang sa gayon ay makalipad sa ibang larangan ng pagkamalikhain?
Marami kang katanungan na humihingi ng kagyat na pagtugon. Kailangan mo ng tapik-sa-balikat, ng isang taong alam mong magtutuwid sa alinlangan. Kung sino? A, hindi mo rin alam. Pero, kilala mo ang iyong sarili. Magpapatuloy ka. Ang kasalukuyan mo'y magiging bahagi ng nakaraan at nakalaan din sa bukas na walang kasiguruhan.
Tandaan mo na lamang. Mapalad ka. Ang pagtanaw mo sa mundo ang sikdo ng iyong dugo. Magpapatuloy ka. Walang alinlangan.
May naghihintay, kung ano, hayaan mo ang kasalukuyan.
May naghihintay, kung ano, hayaan mo ang kasalukuyan.
Huwag kang titigil.
Patuloy na sumusuporta,
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento