Sabado, Hulyo 23, 2011

Yaon Ay Isang Ngiti

LAGANAP na ang dilim na hatid ng gabi. Malaya na sa talim ng silahis ng araw ang bawat sulok ng sinungaling na lungsod. Naghahari sa mga tiwangwang na lansangan ang mga nilalang na buhay na buhay tuwing sasapit ang gabi: mga panggabing dyip, night club, motel, mga bakla, callboy, lagalag, pulubi, puta, holdaper at marami pang nilalang na ang dilim na hatid ng gabi ang siyang pananggalang, kalasag, sa mga mapanuring mata ng lipunan sa umaga.

Ang buwan noo’y hindi masisilayan, tinatalukbungan ito ng nagkakapalan at nag-iitimang mga ulap. Waring sinadyang kumutan, ang noon sana’y bilog na buwan, upang itago sa mapaglarong buhay ng mga nilalang sa dilim. Hindi batid ni Tas ang kabilugan ng buwan nang gabing iyon ngunit alam niya, at ramdam niya, ang pagdantay ng malamig na simoy ng hangin sa kaniyang buong katawan.

Ilang sandali na lamang at bubuhos na ang isang malakas na ulan. Kailangan ‘kong magmadali, uulan na. At ang bahay, walang tao. Pauwi na siya mula sa maghapong pagtitinda sa Cubao. Isang tindahan ng kung anu-anong abubot, na pag-aari ng isang matandang Intsik, ang araw-araw na bumabati sa kaniyang umaga at pumapatay sa kaniyang maghapon.

Rekomendado lamang siya ng isang kakilala sa trabahong iyon. Lingguhan ang sahod. Limandaang piso sa loob ng limang araw na pagpapaos at pagtayo. Walang benepisyong natatanggap. Wala ring libreng pagkain. Magrereklamo ba siya? A, ‘wag na, baka matanggal lang ako. Ano pa ba’ng aasahan ko? Wala naman akong tinapos! Ilang taon na nga ba siyang tindera sa lugar na iyon? Isa? Dalawa? Hindi niya alam. Ang tanging batid niya’y matagal-tagal na.

II.

MALIIT lamang siya, at yayat ang katawan. Maikli ang kaniyang kinulay tansong buhok na hindi bumagay sa humpak niyang mga pisngi at nanlalalim na mga mata. Matingkad na kayumanggi, na maihahalintulad sa tsiko, ang kaniyang kulubot nang mga balat. At ang halos hindi na mabilang-bilang na gatla sa kaniyang mukha ang siyang sumisigaw sa natatanging ugali at sa edad na hindi na maikubli ng kaniyang kolorete. Hindi siya nakikitang nakangiti. Walang emosyong nailalantad ang kaniyang mga galaw. Walang bahid ng pagkagiliw sa mga bagay na sa pangkaraniwang tao’y nagdudulot na ng labis na kasiyahan. Pawang pagkabagot. Inis. Kawalang pagtitiwala. Bagamat isa nga siyang tindera, walang kasanayang naidulot ang trabahong ito sa ugaling matagal na niyang dinadala.

‘Wag naman sana ‘kong abutan ng ulan. Sakay siya ng isang dyip na biyaheng Cubao-Divisoria, pauwi na sa inuupahang bahay sa Tondo. Mabilis ang takbo ng dyip, tila nakikipagkarera sa hindi mawaring kalaban. Habang binabagtas ang kahabaan ng Magsaysay Blvd., napagisip-isip ni Tas na kinakailangan niyang bumili ng gamot. Ganitong malamig ang panahon, kailangan ‘kong bumili ng gamot. Mabuti nang handa, baka mam’ya’y atakihin na naman ako ng hika. Maraming naglalaro sa kaisipan ni Tas habang umaandar ang dyip, mga problemang matagal na niyang pinapasan, ang sakit na ilang taon nang nagpapaimpis sa kaniyang baga, ang buwan na hindi niya mahagilap sa kalangitan, at ang nag-iitimang mga ulap na tila nakikidalamhati sa mga pasakit na kaniyang pilit hinahapan ng solusyon at kasagutan.

Nagpara siya. Malayo mula sa botika ang pinagbabaan sa kaniya. Buwisit na drayber ‘yon a. Nakailang sigaw na ‘ko ng para’y hindi marinig-rinig. Disin sana’y hindi na ‘ko naglalakad. Adik ‘ata ‘yon. Dala ang kaniyang baon na payong, patakbo-lakad siyang nagtungo sa bilihan ng gamot.

Iilan na lamang ang nakasasalubong ni Tas sa daan. Unti-unti na ring nawawalan ng buhay ang bangketa. Ilan na lamang ang nagtitinda at ang iba’y tuluyan nang nakapagligpit, at masabi pa’y mahimbing nang natutulog sa kani-kanilang tahanan.

Maingat si Tas, mapagmatyag at sabihin na nating mapanghusga sa anumang bagay na nakapaligid sa kaniya. Baka isa sa mga taong ito’y mandurukot o kaya’y holdaper. Kailangang mag-ingat. Halos liparin niya ang daan makarating lamang sa pupuntahan at maiwasan ang kung anuman, na para sa kaniya’y masasamang bagay na maaaring mangyari. Wala siyang pakialam sa mga nakasasalubong, lalong higit sa mga “mukhang mahirap” na lagi niyang bansag sa mga taong di-kaaya-aya o kaya’y di mapagkakatiwalaan. Maski ang mga poste’t ilaw ay hindi niya magawang pagkatiwalaan, kahit na ang mga ito’y halos talunin na ang araw sa lakas ng liwanag na inilalaan sa mga kalye at daan. Wala namang tulong ang mga ilaw na ‘yan. Tuloy pa rin naman ang mga masasamang loob kahit nariyan ‘yang mga ‘yan.

Ilang sandali lamang ang lumipas ay nabili na ni niya ang kinakailangang gamot. Uulan pa kaya? Buti naman at naalala ‘kong bumili ng gamot. Madalas ang pagbili niya ng gamot para sa kaniyang hika. Ilan taon na niyang isinusumpa ang sakit kasama na ang mga pangyayaring nagdulot sa kaniya ng kamalasang hanggang ngayo’y gumagambala sa kaniyang mahihimbing sanang tulog. Bata pa siya, siguro’y nasa siyam o sampu o labindalawang taong gulang, nang magkaroon ng hika.

III.

ISANG malaking kumpanya ng pagtototroso ang sinisisi ni Tas sa kamalasang kaniyang dinadala. Malapit ang trosohan sa kanilang maliit na barungbarong sa Lopez, Quezon. Doon sila madalas maglaro noon, sa trosohan na puno ng alikabok. Habulan. Taya-tayaan. Patintero. Tagu-taguan. Matapos ang paglalaro’y mauupo sila sa malalaki at mahahabang troso, magkukuwentuhan ng kung anu-ano. Nakatatakot. Nakatatawa. Nakasisindak. At ilang programang napapanood nila sa telebisyon. Kasabay ng mga hingal, ng mga kuwento’t halakhak ay ang paggiling ng mga makinang pamputol. Mga dambuhalang hugong na naging parte na ng kabataan ni Tas. At ang makakapal na alikabok na sumira sa kaniyang baga.

Simpleng ubo lamang noong una. Hindi na ipinagamot ng kanyang ama, na isa ring trabahador sa trosohan, ang simpleng ubo na iyon. Naiintindihan niya. Mas mahalaga ang pagkain. Sa kanilang kalagayan ay hindi na uso ang gamot, milagro kung ituring ang makakain ng tatlong beses sa isang araw. Tiniis niya ang sakit sa dibdib.

Isang gabi’y nagising na lamang siya at tila isang malaking bato ang nakaharang sa kaniyang lalamunan. Hindi siya makasigaw. Hindi makahinga. Tagaktak ang pawis sa kaniyang mukha. At waring nakakulong siya sa isang masikip, madilim at nakapapasong bartolina. Gusto niya ng tubig. Tubig! Inay, gusto ko ng tubig. Tulungan mo ako, inay. Naglalaro lamang sa kaniyang isip ang mga salita. Isang makapal na ulap ang biglaang tumambad sa kaniyang harapan. Nilamon siya nito.

Nagising na lamang si Tas kinaumagahan nang hindi alam ang mga sumunod na nangyari. Inay, ano pong nangyari kagabi? Mabuti at nagising ang kaniyang ina sa malakas at paulit-ulit na langitngit ng papag niyang higaan. Dali-dali siyang pinainom ng tubig. Hinaplusan din siya ng langis sa kaniyang dibdib at likod. At inanod, tulad ng mga buhangin sa dalampasigan, ang malaking bato sa kaniyang lalamunan. Unti-unti’y bumalik na ang normal niyang paghinga. Hindi niya batid ang lahat.

Mula noo’y naging madalas na ang pangyayaring iyon. Hindi lamang sa gabi. Sa araw. Sa eskuwelahan. Sa palengke. Sa trosohan. Asthma pala ‘to. Nalaman niya mula sa kaniyang guro sa kalusugan. Hika. Sakit daw ng mayayaman. Nakukuha sa matinding pagod. Sa mga usok. Sa alikabok. Sa trosohan.

Sa wari niya’y parte na yaon ng kaniyang buong katauhan tulad ng tibok ng kaniyang puso o paglago ng kaniyang buhok. Nasanay na siya sa bawat pag-atake. Ngunit sa pagkasanay na iyo’y kabawasan naman ng kaniyang mga gawain. Bawal ang sobrang pagod. Bawal ang usok. Ang paglalaro. Takbuhan. Taguan. At nagbago siya mula noon.

Labing walong taong gulang siya nang lumuwas ng Maynila. Hindi na niya naipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral magmula nang mamatay ang kaniyang ama dahil sa emphysema. Nagpasiya na lamang siya na lumuwas ng Maynila at tulungan ang kaniyang ina.

IV.

Ito pala ang Maynila. Nagmistulang isang batang nakarating sa paraiso ng mga laruan ang unang pagtapak ni Tas sa Maynila. Isang paraisong para sa kaniya’y maghahatid ng isang matagumpay na pangarap. Ngunit mali ang naging tugon ng paraiso kay Tas. Nilamon siya nito. Katulad ng iba pang nangarap na makarating sa paraiso, nalunod siya sa magulong daloy ng buhay sa Maynila. Ibang-iba sa buhay niya sa Quezon.

Pinasok niya halos lahat ng trabaho: yaya, janitress, waitress, hostess at iba pa. Ngunit lahat ng iyo’y parang mga ulap na biglaang naglalaho sa langit. Porke ba’t ‘di nakapag-aral e gaganun ganunin na lang nila ako. Letse nila! Mga mukha silang pera! At tulad ng unti-unti niyang pagkakakilala sa Maynila, natutunan rin niya ang buhay dito. Ang mga mura. Ang mga away. Mga kabastusan. Tuluyan siyang nilamon ng lungsod.

Isang araw, isang liham ang dumating mula sa Quezon. Walang ngalan ng pinagmulan ang sulat. Ang akala ni Tas ay mula iyon sa kaniyang ina. A, nanghihingi na naman ang Nanay. Ngunit hindi iyon ang sulat-kamay ng ina; Ditas, nakikidalamhati ako sa iyo. Ang inay mo’t dalawang kapatid, si Itong at Noy, pare-parehong nakasama doon sa landslide. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin sila makita. Muli, nakikiramay ako. Aling Nenita.

Walang emosyong mababakas sa kaniyang mukha nang mabasa ang liham. Blangko. Ngunit may sumisigaw sa kaniyang kalooban. Wala na sila Nanay? Wala na! Hindi maaari. Ano pa’ng silbi ko? Ano? Nagngangalit ang damdamin niya. Marami siyang gustong sisihin. Ang mundo. Ang karalitaan. Ang trosohan. Ang Diyos.

Naramdaman na lamang niya ang basang-alat na dumadaloy sa kaniyang pisngi. Kusa nang tumulo ang luha na pilit niyang pinipigilan.

V.

ISANG patak ng ulan ang dumampi sa pisngi niya. A, tapos na ‘yon. Gawi na ni Tas ang maalaala ang nakaraan sa bawat sandaling naghihintay siya. Binuklat niya ang payong. Maya-maya pa’y bumagsak na ang ulan. Wala na bang sasakyan? An’tagal naman. Magtatatlumpung minuto na siyang nag-aabang ng dyip, sapagkat panay taksi lamang ang dumarating. Pagkuwa’y naaninagan niya ang isang paparating na dyip. Luma na ito at isang matandang drayber na balbas-sarado ang nagmamaneho. Pinara niya ito.

Naupo siya malapit sa likuran ng drayber. Dito ang pinakamabuting maupuan. Maari akong maipagtanggol ng drayber. Matapos makaupo’y nagmasid siya sa mga kapwa pasahero. Sa tapat niya’y isang matandang babaing nakangangang natutulog, hawak ang bilaong paninda. Sa bandang duluhan ay dalawang lalaki, na naglalaro sa tatlumpu hanggang apatnapu ang edad. Malalaki ang katawan. Mga nakasando ng makutim. Ang isa’y may tato sa kaliwang braso, mukha ng Nazareno. Ang isa nama’y mahaba ang buhok at naninigarilyo. Nagkasalubungan sila ng tingin ni Tas. Nanindig ang balahibo niya. Bakit mapula ang mata niya? At bakit sila nakaupo sa dulo ng dyip? Naghinala siya.

Sa gitna naman ng dyip ay isang babaing estudyante, nakauniporme ng pang-nars. May dala itong dalawang makakapal na libro na nakapatong sa mga hita nito. Napansin niyang iwas din ang batang babae sa dalawang lalaking nakaupo sa duluhan ng dyip. May namuong takot sa kaniyang dibdib. Bumibilis ang tibok ng kaniyang puso.

Mga holdaper. Bababa ako. Nagpara siya. Para mama! Para! Ngunit matagal bago siya mapansin ng drayber sapagkat abala ito sa pagharurot ng kaniyang dyip. Kasabwat ang drayber, naisaloob niya. Para mama! Para sabi e… Para!

Nang marinig siya ng drayber ay agad nitong itinabi ang dyip. Dali-dali siyang bumaba. Mabilis at handa. Nakita niyang nakangiti ang dalawang mama, nakatingin sa kaniya. Kinawayan pa siya matapos makababa. Humarurot muli ang dyip.

Hay, salamat! Gumaan ang pakiramdam niya matapos makababa. Ang akala niya’y mahoholdap siya. Nagpasalamat siya sa sarili. Alam niyang holdaper ang mga iyon. Sigurado siya sa kaniyang kutob, sa sansaglit na paghuhusga. At naalaala niya ang estudyanteng babae. Ano kayang mangyayari sa kanya? A, bahala siya, kung tatanga-tanga siya e mahoholdap talaga siya. Dapat e kanina pa siya bumaba sa dyip na ‘yon.

Tumila na ang ulan.

VI.

MULI siyang nag-abang ng masasakyan. Panatag na ang kaniyang kalooban. Sa Arellano siya naibaba ng kaninang dyip. Tumila na ang ulan. Uulan pa kaya uli? Madilim pa rin ang kalangitan at ang buwan ay nakukumutan pa rin ng nagkakapalang ulap. Naglalaro pa sa kaniyang isipan ang nangyari kani-kanina lamang. Ang batang estudyante, ang dalawang lalaki at ang tinderang mahimbing ang tulog. Masuwerte pa rin ako. Buti na lang at magaling akong kumilatis ng tao. Bahala sila sa buhay nila! Tuluyan nang naglaho ang kabang kanina lamang ay nagpapabilis sa kaniyang paghinga.

Isang bagu-bago pang dyip ang huminto sa kaniyang harapan. Hindi niya ito pinara, sapagkat lumilipad pa rin sa kaniyang diwa ang mga pangyayari. Ngunit ngayo’y handa na siya sa muling yugto, wala na ang kaba, at siya’y kampante na ang dyip na iyo’y wala nang kamalasan.

Sumakay siya. At muli, doon siya naupo malapit sa drayber. Bata pa ang drayber na iyon. Mukhang binata sa kaniyang pagkakakilatis. Butuhan ang pisngi’t singkitin ang mga mata. May malaking pilat din ito sa bandang leeg. Wala nang kalaman-laman na pasahero ang dyip maliban sa isang lalaking katabi ng drayber. Payat ito. Malaki at luwa ang mga mata, iyong tinatawag na matang-butiki. Marahil e pagarahe na ito, naisip niya.

Nagbayad siya. Bayad ho ‘ma. Inabot iyon ng lalaking katabi ng drayber. A, konduktor, naisip niya. Tahimik sa loob ng dyip. Tanging hugong ng makina, at matinis na bulungan ng drayber at konduktor ang nagsisilbing musika sa gabing iyon.

Nakatanaw lamang si Tas sa patay na tanawin ng lungsod. Nagkakalat ang mga basura sa kunsaan, mga basurang kinalkal ng mga gumagalang askal, pusa at malalaking daga, at ilang palaboy. Nakatiyempo pa siya ng isang daga na hinihila-hila ang isang plastik ng basura. Tsk! Tsk! lamang ang naging tugon niya sa tanawing iyon.

Muling lumipad ang diwa ni Tas. Ang mga basura, ang mga askal, pusa’t daga, sa isip niya’y walang pinag-iba sa mga tao. Nabubulok na mga kaluluwa. Marurumi. Mababaho ang budhi. Iba talaga ang buhay sa umaga at ang buhay sa gabi. Ang lungsod ay nagbabagong anyo sa dalawang yugto. Ang umaga’y kaanyuan ng masasayang tawanan at halakhak, makukulay na pangarap, magandang pamumuhay. Isang kaanyuan ng katiwasayan at kapayapaan. Samantalang ang gabi, ang laganap na dilim, ay isang panibagong mukha. Ang kublihan ng kapusukan. Ang mga hantungan ng nagbabadyang panganib. Sa gabi–tuwing gabi madalas nagaganap ang mga krimen, ang mga aksidente, ang mga ‘di maarok na pangyayari.

Biglang gumuhit ang isang kidlat sa kalangitan. Nagulat si Tas. Nagambala sa pagmumuni. Ano ‘yun? Sandali pa’y umatungal naman ang isang malakas na kulog. Muli siyang nagulat at sa sandaling iyon ay napasigaw siya. Lumingon sa kaniya ang drayber at konduktor. Wala ho, nagulat lang ‘ko sa kulog. Kumunot ang noo ng dalawa kasabay ng pagtaas ng mga kilay nito. Ngumiti ang mga ito.

Akala ko e ‘di na uulan. Sana e mam’ya na bumuhos, malapit na ako sa Divisoria e. Maputik pa naman d’on. Malapit na siyang makauwi. Gusto na niyang ilapat ang kaniyang likod sa kutson na nakuha niya sa paybsiks, na kaniya pang hinuhulugan. Nagsunod-sunuran na ang pagkulog at pagkidlat. ‘Wag kang uulan.

Ngunit siya’y nabigo.

VII.

AT bumuhos nga ang isang napakalakas na ulan. Ibinaba niya ang trapal ng dyip. Punyetang ulan naman ‘to! Ang kaninang katahimikan ay pinalitan ng malakas na hampas ng ulan sa bubungan ng dyip. Tila hinahampas ito ng daang-katao. Hinahampas at sinisigawan. Napansin ni Tas ang pagbagal ng sasakyan.

Unti-unting nag-primera ang drayber, at tuluyan nitong itinabi ang dyip sa kanto ng Masangkay at Recto. Bakit kaya huminto ‘yong drayber? Nasiraan siguro. Sira ang poste sa kantong iyon. Papatay-patay na animo’y ilawan sa nightclub. Humarap sa kaniya ang konduktor. Ano ‘yon? Hindi ito sumagot. Iniangat nito ang isang paa at humakbang patungo kay Tas. Ano ‘ho ‘yon? Nagbayad na ‘ko a? Hindi pa rin ito sumagot. Tumabi ito kay Tas.

Tatlong salita ang naibigkas nito, “Holdap ‘to ale!?” garalgalin at may bahid ng itinatagong takot at kaba ang boses na iyon. Ha? “Putangina, bingi ka ba? Holdap ‘to? Sasaksakin kita! Ilabas mo na’ng pera mo!?” Itinutok sa kaniyang tagiliran ang lansetang iyon. Isang dangkal at kalawangin nang lanseta. Natakot siya. Nabigla sa mabilis na pangyayari. Ano ‘to? Ano ‘tong nangyayari? Kumakabog na ang kaniyang dibdib. Tila daan-daang mga padyak ng mga paa ang naroon, mabibilis, nag-uunahan, hindi niya maabutan. At siya’y kinakapos ng hininga. Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga.

“Saksaksakin kita!? Ilabas mo na’ng pera mo!?” Hindi niya narinig iyon. Wala siyang ibang naririnig kundi ang mabilis na tibok ng kaniyang puso at naghahabol na hininga. “Hoy! A-ano? Ila-labas mo na’ng pera mo!?” Napalunok ng malalim ang kundoktor.

“Pare, ano na ‘yan? Saksakin mo na ‘yan ‘tas itulak mo sa labas! Putang’na mahuhuli tayo d’yan e. Saksakin mo na’t tapon sa labas! Bilisan mo, habang malakas pa’ng ulan.” Sigaw ng drayber sa konduktor. Hindi ito mapalagay, palinga-linga, at ang mga daliri nito’y naglalaro, waring nag-gigitara sa hangin. “Bilisan mo, pare!”

Hindi maintindihan ni Tas ang nangyayari. Saan ako nagkamali? Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga. Na’san ang gamot ko? Sisigaw ba ako? Ano? Ilalabas ko ba’ng pera ko? Ano’ng gagawin ko? Natatakot ako. Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga. Naramdaman niya ang dulo ng lansetang iyon, na nakalapat sa kaniyang tagiliran. Lumalalim. Mahapdi. Sumusugat.

“Saksakin mo na ‘yan! Larga na tayo!”

Bahagyang inilayo ng holdaper/konduktor ang lanseta, mga dalawang dangkal mula sa nagdurugo nang tagiliran ni Tas. “Tangina, makulit ka a!” Itinarak na nito ang lanseta. Aaagghh! Malalim. Ibinaon nang husto. Dagling iniangat, at tuluyan nang inialis. Kinuha nito ang bag ni Tas at inihagis sa drayber. “O, pare!” Hinawakan nito si Tas sa kamay at inakay pababa ng dyip. Hindi alintana ang malakas na ulan. Inilapag nito si Tas sa mismong kanto na iyon, sa ilalim ng poste, ang posteng hindi mapagkatiwalaan ni Tas. Mabilis itong pumanhik sa dyip. “Tara, pare!” Humarurot ang dyip.

VIII.

SI Tas, siya’y naroon sa kantong iyon, sa ilalim ng poste, tigmak ng dugo ang buong katawan na binabanlawan ng malakas na ulan. Nalalasahan ang maalat-alat na tubig-ulan. Nilalamig siya. Basang-basa. Manhid sa naghahalu-halong emosyon. Puno ng pagtataka. Saan ako nagkamali? At naalaala niya ang babaing nakangangang natutulog, ang estudyanteng nars, ang dalawang lalaki sa lumang dyip. Ang nakaiinis at nakapanghihinala nitong mga ngiti, ang makukutim nitong sando. At naalaala niya iyon, ang pangitaing iyon. Iyon ba ang sagot? Ang kahabag-habag na mukha?

May mainit-init na naglagos sa kaniyang mga mata, humalo ito sa ulan na tila nakikiniig sa pinagmulan. At siya’y napangiti, isang matipid na ngiti. Ngiti hindi ng galak. Yaon ay isang ngiti ng pagkaunawa. Ngiti ng pagkatanto.

Nagpatuloy ang buhos ng ulan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento