nagdurugo ang mga tubo sa dibdib
ng Luisita, umiiyak, may hibik
ang hininga ng mga sakada
at kung saka-sakaling nakalilimot ka
at tulalang nakatitig sa pagpatak ng ulan,
huwag mo nang hintaying mabasag
ang tadyang ng ulap at magsilang
ng silahis, huwag mo nang tulaan
ang buhay o ang ulan o ang buhay at ulan
higit sa anupaman, punglo ang tula
hinding-hindi nito masasagot ang iyong pag-iral
magtatanong at magtatanong at magtatanong ka
lamang, walang kasagutan na bubukal sa mga estropa
sa linya, sa metapora, sa pagsasatao
wala maliban sa tuod na mga letrang nakangiti
sa iyo, at lunatikong bibilugin ang iyong ulo
kung alam mong mitsa ang tula
oo, punglo, dinamita, molotov, gulok, maso
makikilala mo ang buhay, malalaman mo ang sikreto
ng paghinga, matatanto mong may pag-uulat ang tula
hindi ito pahina ng milagro at ilusyon o ng mahika at hula
kung tao kang batid ang tinutungo
alam mo ang pagdurugo ng mga tubo
sa dibdib ng Luisita, hindi ka mapagtutulog
pagkat gigisingin mo, sampu ng iyong mga tula
ang nalilibugan, ilusyunadong mundo ng mga nagtatanikala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento