Huwebes, Hulyo 5, 2012

Ang Makata Sa Panahon Ng Barbel, Gel At Abs


Ano’t ipinagtataka mo ang lambot sa aking buto?
Lanta ang kalamnan ko sa away at basag-ulo.

Wala sa aking bisig ang lakas ng matipuno.
Hindi ako ang tipong layon ng kung sino.

Malakas lang ako, minsan, sa toma at huntahan,
Ng kung anu-anong may kinalaman sa lipunan, panitikan.

Na ika nila’y lumang tugtugin, wala nang kapararakan,
“Susmaryosep, kauubusan lang ng laway! Kahabagan!”

Hindi ako mahilig sa polo, sa slacks, sa gel.
Hindi rin sa gym, sa treadmill, sa sit-up o dambel.

Madalas gutom, pinakamadalas puyat kaya minsan payat.
Aba, ikaw ba naman na ang salita’y dinidildil, ginagayat!

Hindi ako kukuyugin ng mga babaing humahanga
Sa pandesal na nagsulputan sa tiyan ng artista.

Wala sa akin ang biyaya ng Adonis na, rockstar pa.
At wala ring ngiti ng makisig na prinsepe ng prinsesa.

Ano’ng pinagkakaabalahan ko? Magbasa, sumulat ng tula.
Ano kamong nakukuha ko? Maglaboy, mag-isip, tumulala.

Kung hihingin ng panahon, makasasayaw ako sa bubog
Mga salita kong mahahabi sa digmaan ihuhubog

Huwag, huwag mong susubukin ang aking pisi,
Kaya kong hawakan ang emosyon mo’t kiliti.

Matapat ang mga metapora, mga tayutay kong to be.
Kaya kong pamukadkadrin ang bulaklak na iyong tinatangi.

Bigyan mo ako ng isa, dalawa, tatlo—A! laksang mga gabi,
At makikilala mo ang lantay na pag-ibig sa mga tula ko’t labi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento