Hindi kailan man tayo nagsabay. Kumain man lamang o tumambay. Ngunit, itong mga huling semestre, magkasabay tayo sa tulungan ng klase. Naalaala ko pa ang iyong disposisyon. Iyon ang huling pagkikita natin. Walang pinagkaiba, tulad ka pa rin ng mga nagdaang araw, masayahin. Tila walang nagbabadyang trahedya.
“Pare, salamat do’n sa tsokolate”. ‘Di ko batid na iyon na pala ang huling palitan natin ng mga salita. Natatandaan mo? Nagkabiruan pa nga ang tropa. “Bertdey mo na. Painom ka naman! Pakambing ka naman!” Nangiti ka lamang, dahil ika’y hindi nainom.
Dumating ang kaarawan mo. Tulad ng iba pang mga araw, walang pinag-iba sa karaniwan. Ngunit, isang mainit na text ang bumungad. “Wala na si Kuya Jeff!” sabi ni Tin. Kalokohan! Bertdey, may ganyan? Inisip naming nasa Lab high na isang malaking biro. Nagitla ako doon, Pare.
“Totoo ba? Ano ba talaga?” Nagkayayaan. Alamin ang katotohanan. May mga nauna sa inyo. Inaalam din. Ngunit wala ka. Umaasa kaming biro nga. Hapon na nang dumating ka. Totoo. Nagsimulang ayusin ang sala ninyo. Doon kasi ilalagay ang kahon mo. Puti. Malapad. Mahaba-haba. Totoo nga. Walang duda. Walang biro.
Matagal tumimo sa akin na totoo ang lahat. “Hindi na siya nagising.” Kitang-kita ang makapal na kolorete sa iyong panatag na mukha. Salamin ang pumapagitan sa atin. Tulog ka lang sabi namin. Yari ka! Iyon ang hinihintay ng lahat. Pero wala. Kahit kaluskos o bakas-hininga.
Nagpabalik-balik kami sa pakain mo. Iyon na ba ang pabertdey mo? Nag-inuman din kami. Natikman din namin ang kambing na tinda n’yo Ang sarap magluto ng Nanay mo. Nag-iisip pa rin ako. Wala pa rin. Hindi totoo. Ayokong maniwala.
Dumating ang araw na hinihintay. Kailangan ka nang isama sa kapalaran ng iba. Maangas ang Tatay mo, Pare. Hindi ko man lamang nakitang umiyak . Ang mga Ama nga naman. Naalaala ko rin pala, iyong nagdugtong sa ating maliit na pagkakaibigan. Led Zeppelin. Pinag-isa tayo ng Stairway to Heaven, Kashmir , Goodtimes Badtimes o Communication Breakdown kaya. At sa huling hantungan mo. Sa karo mo, Pare. HardRock ang sumasalubong sa tainga ng mga tao. Napangiti ako. Tulay patungong langit?
Sa misang gawad sa iyo, binanggit ng Pari na isa kang mabuting tao base na rin sa nakita niyang nakikidalamhati sa iyo. “Pinuno niya ang kapilyang ito, na bihirang napupuno sa ordinaryong araw”. Napangiti muli ako.
Sa Norte, nahanay ka roon malapit sa mga kilalang nauna. Thomasites. Pancho Villa atbp. May palipad-lobo pa’t hagis-bulaklak. Panatag pa rin ang iyong mukha. Isinilid ka sa isa pang kahon. Parang posporo. Iyon ang huling kita ko sa iyo.
Pare, ngayon lang ako tumula ukol sa mga nangyari. Ewan lang kung hindi kaya o wala talaga. Pero, ngayong gabing ito, naisip kita. Hindi tayo dikit sa mga bagay-bagay. Kailan lang din nagkalapit ang mga pananaw natin. Ngunit, naitanim sa isip ko ang maliliit na kabutihang ginagawa mo at ilan pang kabutihang ikinuwento ni Nanay at Tatay mo. Nagagalak ako, Pare. Na sa huling mga sandali mo’y natulungan mo kami sa thesis kahit may sarili kayong thesis na sinasaliksik. Malaking bagay na iyon. At ang tsokolate. Natatandaan mo?
Nagtataka lang ako sa mga pangyayari. Bakit ganoon? Bakit sa kaarawan mo pa nangyari? Bakit “Friday the 13th” pa, Pare? Bakit may pa chain letter pa? Bakit ngayong gagradweyt na tayo? Totoo bang malapit sa sakuna ang may kaarawan? Malas ba talaga ang Trece Viernes? Kailangan ko na bang matakot sa chain letter? Kailangan ba talagang mag-ingat ang mga gagradweyt?
Coincidence?
Maniniwala ba ako? Kailangan ko na ba’ng maniwala? O panaginip lamang ang lahat?
Maniniwala ba ako? Kailangan ko na ba’ng maniwala? O panaginip lamang ang lahat?
--alay kay Jeff, isang kaibigan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento