Talahib
Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Humihiwa sa mga kaluluwa
At balat ng naghuhumindig na gusali
Ng kawalan at kawalang katuturan.
Nakapupuwing tayo’t ipinagkakanulo.
Binubunot kung sakaling sagwil na’t sagabal
Sa nananatiling sistemang karnabal.
Ngunit nag-iiwan tayo ng sugat
Sa minanhid-ganid nilang balat.
Binubuwal tayo nguni’t hindi nadadaig.
Talahib tayong walang biyaya ng dilig
Kundi hamog ng mapagkalingang
Liwayway.
Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Nag-uusbungan, nakakalat, nagmamasid.
Sa mga ligalig at pag-ibig ng paligid.
Talahib tayong hindi napapatay
Ng apoy ng tugatog at bigwas ng matatayog.
Talahib tayong hindi maglalaho
Uusbong tayo at lalago
Hadlangan man ng lagablab ng impiyerno.
Talahib tayong magpapatuloy.
--M.J. Rafal
tang ina pare! ok 'tong tula mo para sa ating mga talahib.. nakukulangan lang ako,nabitin. dagdagan mo pa ang katangian ng talahib...mabuhay ka katalahib...isulong ang makabuluhan at anak-pawis na uri ng panitik!
TumugonBurahin* ang ganda ta;laga nito...'yon nga lang may ilang motherhood statement...ganda p[are, saludo talaga ko sa 'yo
TumugonBurahin