Sana'y hindi iyo
ang dugo
na nagsambulat
sa kanto ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang malapot na laway,
na may bubula-bula pa,
sana'y hindi iyo
ang laway na iyon
na humahalo
sa namumuo nang dugo
na nagsambulat sa kanto ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang kapirasong tela
ng damit,
na aywan kung bahagi ba
ng salawal o tisert
na sa wari ko'y pinunit
ng pagkakagasgas
sa magaspang na aspalto
sa kantong iyon ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang isang bahagi
ng pudpod nang tsinelas
na tinalian ng lastiko
na sa wari ko'y para
'di na muling mapigtal.
Sana'y hindi iyo ang mga 'yan.
Hindi sana sa iyo, bata,
ang dugong nanalaytay na sa aspalto
ang laway na tinutuyo ng mga tambutso
ang kapirasong telang marahas na nawakwak
ang tsinelas na nagungulila sa kabiyak
hindi sana sa iyo ang mga iyan.
Sapagka't
kung iyo man, bata,
ang mga iyan
ay mawawalan ako ng gana
na tahakin, landasin
ang kantong iyon ng Recto at Abad.
Sapagka't
'di ko na makikita
ang maamo mong mukha
na tinatakpan ng libag at alikabok
at ang munti mong tinig
na inaawitan ang bahaw na sandali
ng bawat paglalakbay.
Sana'y hindi ikaw, bata,
ang nasagasaan
ng kaskaserong tsuper.
Dahil kung ikaw man iyon,
tiyak,
tiyak na mangungulila ako
sa munti mong tinig
na umaawit ng hele sa umaga
at sa iyong maamong mukha
na nilamon, pinababayaan
ng lipunang pinahihirapan ka.
Pipikit akong kasama ang panalanging
hindi sana ikaw ang biktima.
At kinabukasan, gigising ako,
iaahon ka sa kumunoy ng nabubulok nating sistema.
ituloy ang makabuluhan at nasa linyang pananalinhaga't pananaludtod.. mahabang proseso ang paghahasa ng talim ng panulat,kaunti na lamang at makalalaslas at makabibiyak ka na ng leeg at bungo ng mga walanghiya at mga putang-inang ang layunin sa mundo ay manamantala upang yumaman. mabuhay ka makata!
TumugonBurahinmakata? haha.. isang pagbibiro ba yan pare... natawa ako e... haha!! ikaw pare, kuwento lang nang kuwento... may kislap ka ng kadakilaan...
TumugonBurahin