naghintay ako, hinintay
itong pagkakataon
na ang tugon natin
sa pangangamusta'y
singgaan ng mga ulap
sa bughaw na langit
oo, hinintay ko,
pinahupa ang mga ulan
na itinakwil ko noon
dahil sa alat at pait
na itinakwil ko
'pagka't mga sundang-na-saksak
silang sumasaksak
sa aking dibdib
pinahupa ko ang ulan
tulad nang kung paano
ko tiniis na taluntunin--
kahit may mga bubog--
ang mga lansangan
na iniwanan mo ng bakas
sinikap kong magpinta
ng araw
sa pisngi ng mga gabi
sa mga umaga, umukit
ng ngiti
lumikha ng distansiya
sa pagitan ng pagtanggap
at dalamhati
napagtagumpayan ko
ang lahat
ngayon, nag-uusap tayo
na parang hinehele ng paligid
at tulad nang dati
musika pa rin ang iyong tinig
may tanong lamang ako:
ito ba'y ganap nang dulo?
na ganap nang nagsara
ang mga pinto
at magbubukas ng pag-ibig
sa panibagong daigdig
o
mali ang pagkamuhi ko
sa kapalara't pagtatakda?
sagutin mo:
babalik ka ba?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento