hawak-kamay silang naglalakad
sa dalampasigan
nang biglang mag-aya ng takbuhan
ang lalaking maningning ang mata
sa tama ng tudla ng papalubog na araw
sumang-ayon ang babaing namumula
ang pisnging pinarisan ng hugis pusong labi
tumakbo sila
malalanding tikwas ng buhok
na nilalaro ng hanging-dagat
ang milagro ng hapong iyon
taas-kamay silang nagagalak
sa sandaling iyon ng kawalang-alinlangan
pag-aari nila ang buong hapon,
ang buong magdamag na darating
nang
biglang huminto sa pagtakbo
ang lalaking nagkunot ang noo
at ngangang may pagkabahala
ang tugon ng babaing tatlong
dipa ang kalayuan
ang kanilang pagitan ay salimuot
ng mga bakas ng paang bumakat
sa buhanginan
naupo ang lalaki sa latag ng buhangin
lumapit ang babaing nagtatanong ang mata
at sabay silang nagbato ng tingin
sa paa ng lalaki
isang malaking bubog ang nakabaon
sa talampakan, sa talampakan nito
bubog na singhaba ng isang piso
huminto ang mundo
nawala ang araw, namatay ang hangin
ang dagat
ay nagmistulang isang malawak na bangin
hinagod nila ng tingin
ang paligid
mga bubog na ang buhangin
duguan silang di alam ang gagawin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento