Lunes, Hulyo 25, 2011

Elehiya Sa Palad


sana sinaksak mo na lamang ako.
iyong tunay, matalim, kumikinang
na patalim.
itinarak mo sana sa dalawa kong kamay,
sa gitna ng mga palad.
mas mainam nga marahil
kung maging mga daliri ko'y pinutol,
at inihagis sa ilog.

sana sinaksak mo ng patalim
itong dalawa kong kamay.
pinutol. tinadtad. sinunog. inabo.

ayaw ko na sa kamay na ito,
wala nang silbi ang mga puwang.
itong kamay na itong tumitipa, nagsusulat
ng mga tula
na singpait ng pawis
na nagkulob
sa palad na dating
kaniig ng iyo.

ayaw ko
na sana sinaksak mo na lamang ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento