Lunes, Hulyo 25, 2011

Isnayper*

Matindi, na hanggang sa kasalukuyan
umiiral pa rin ang pinakamasisidhing galit
sa inosenteng kapwa.
Sang-ayon kay Anders Behring Breivik,
Norwegian, isang right wing extremist at
Christian fundamentalist, ang pangunahing
suspek sa Oslo Bombing at Utoya Shooting Spree,
"One person with a belief is equal
to the force of 100,000 who have only
interests".

Nakapangingilabot.
Nakahihintakot.

Inilalatag ang mga bangkay sa kalsada.
Parang mga baboy na kinatay sa krusada
ng gutom na sikmura.
Ibinabalik tayo sa yugto na ang kamatayan
ay parang patalastas na lamang
ni Kris Aquino sa telebisyon.
Karaniwan. Karaniwan pa sa karaniwan.
Parang Ampatuan
Massacre, parang Balanggiga,
parang World War II, parang
Anti-Semitism ng mga Nazi, parang
Holocaust.

Kahindik-hindik.
Kasuklam-suklam.

Isinisiwalat ng kasalukuyan,
hindi ganap na ang talino at dunong
ay makabubura sa madilim na kaibuturan
ng isang sibilisadong tao. Ano at paano nga ba
ang maging sibilisado? Pahayag na nagpasikat
sa pelikulang Cannibal Holocaust.
Gubat ang lungsod. Gubat ang lahat
ng sementado,
lagas na dahon ang luha ng sanggol:
binubulok ng panahon.
Tulad ng mga relihiyon, isusulong ang kanilang
ipinagmamalaking sentido-kumon: kami at kami ang katuturan,
dili nga't ang mga digmaan ng mga kasulatan
ay tahimik na kumikitil
ng mga walang-muwang.

Matindi, na hanggang sa kasalukuyan
umiiral pa rin ang pinakamasisidhing galit
sa inosenteng kapwa.
Sa mundong pinagpapasasaan
ng iilang diyus-diyosan,
ang pagsusulong ng makasariling interes
ay masamang ugat na marapat
inaagawan ng kapit sa lupa.

Nagkamali ka, Anders Behring Breivik.

April 12, 1945: Lager Nordhausen, where 20,000 inmates are believed to have died.


















*2011 Norway attacks

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento