Linggo, Hulyo 10, 2011

Paano?

susunduin tayo nilang mga nauna,
silang lahat na naputol na ang hininga--
sa anumang paraan, panakaw man o hindi:
mga punglong naglagos sa dibdib at bungo
mga mukhang binakbak ng lupa
mga leeg na binigti ng alambre
mga tiyang pinapintog ng water cure
mga katawang pinalipad sa hangin
         habang kinakalinga ng bugbog
mga dugong sinipsip ng malarya
                                                            o
mga matang tinirikan ng kandila
mga kamay na pinalapa sa asong sing-ulol
                 ng mga berdugo
mga puking pinasakan ng bote, pinaso
mga bayag na kinuryente, itinali, hinila, pinaso
                                                            o
mga namatay sa sakit, mulang ulo hanggang buto
mga nabulok sa karsel at bilangguan
mga itinapon sa banyagang mga lupain
mga nawalang hindi na matagpuan
mga mistulang hangin na di na makikita
silang mga nauna

tayo, buhay tayong naghahasa ng panahon
patuloy sa pakikitalad at pakikihamok
multo man ang mga sundang-na-saksak
              ng nakaraan at kasalukuyan
naghahasa tayo ng kasaysayan
susunduin tayo nilang mga nauna,
ang tanong nila'y hindi "Paano ka namatay?"
kundi "Paano ka nabuhay, Kasama?"
"Paano?"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento