Hindi tayo maililigtas ng mga umaga
ng mga bukas, ng mga guhit sa palad
at talampakan.
Walang sikreto ang nunal
kundi isang tuldok lamang
ng pagkakakilanlan.
Walang tumpak na katiyakan
ang lusaw na kandilang
ipapatak sa tubig.
Mahinahon ang gabi.
Itatabi kita
kasama
ng mga luma kong pagtatangi.
Kung sa iyo ko isusuko ang mundo,
hayaan mo akong mangaso.
Hayaan mong gabayan ako ng buwan,
o ng bituin
o ng alulong ng mga kuliglig.
Hayaan mo akong mangaso,
papatayin ko
ang lahat ng magtatangka
sa iyo.
Ito ang katiyakang magtatakda
ng lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento