Martes, Hulyo 26, 2011

Trapiko

i.
walang makahihigit
sa sandaling ito
pinakapayak na oras
tiyak na galak
ang sumusulak sa sintido
at dibidb

magkatipan
ang braso nati't balikat
humahampas sa pisngi ko't talukap
sa ilong at labi, ang buhok mong
pinasasayaw ng ragasang hangin

tumatakbo ang larawan ng lansangan
sa pagitan ng mata at panginorin
usok at musikang busina
ang magtatakda ng wakas
ngunit mahaba ang segundong lilipas


ii.
bumagal
mabagal, bumagal ang hugong ng mga makina
walang nang hinahabol, walang nang dahon
ang sumasayaw sa ibabaw ng mga sasakyan
tulad ng buhok mong parang kurtinang
nagmanman na lamang

ito ang sandali, ito na ang
san
da
li
na aking tinatangi


iii.
at kung ihihilig mo
ang iyong ulo
sa ngawit ko nang balikat
hahagkan ang namanhid kong bisig
at pupunan ng palad mo ang mga puwang
sa palad kong pinutakti ng pawis

       hihilingin ko ang paghinto ng lahat

at pakikinggan ko lamang
ang tibok ng iyong puso
habang himbing kang nililiyo
ng trapiko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento