Linggo, Marso 10, 2013

Sa Ilalim Ng Langit

Sabi ng isang makata: Walang sinuman ang ligtas sa ilalim ng langit.*
Siguro nga. Pansinin kung paano kumakalas sa katawan ang mga hininga
Sa iglap na sandali ng pagkakalingat, o kawalang ingat, o kahit
Ng mga pag-iingat na sinusuklian ng panunumbat—sinisibat, gumugulantang
Kahit sa pinakamaiingay na pagtitipon ang isang batang sinalo ng semento
Sa gitna ng mga naghuhuramentadong tradisyon ng salubong at protesta
Sa malas na hula, parang naudlot na pagkukulay nang mabakli ang krayola.
At namalas, sa kamalas-malasan, ng laksa-laksang inakit
Ng pailaw at sayawan ang dugo sa kanilang mga kamay.
Sino nga ba ang ligtas sa ilalim ng langit?
Ang mga bato, tinatapyasan ng ulan sa mahabang pagdantay.
Ang mga dahon, kinakatasan ng pagpapala ng kunot-noong araw.
Ang mga puno, kinakalbo ng hangin-hininga ng nababasag na ulap.
Ang mga lupa, sumasalo ng bigat ng mga damdamin at paghahanap.
Sino kung gayon ang ligtas sa ilalim ng langit? Marahil, wala nga, wala marahil.
Maaaring ikaw ang sumalo ng tingga na nagtago sa usok
At bumulusok, nakatutok sa tuktok ng iyong ulo o sa batok
Na pinasasakit ng kolesterol sa balat ng lechon at manok, ikaw ang biktima.
Maaring siya naman ang salarin, na inaaliw ang sarili sa pag-usal ng dasal:
Nawa’y itakwil ng bigas at baryang isinaboy, ng mga bilog na prutas at belekoy
Ang malas sa paligid at suluk-sulok ng tahanang nagsusumamo sa pag-unlad.
O maaaring ako, ang salarin at biktima, at wala kang tulang mababasa
Mula sa akin, at wala ka naman talagang binabasa sa kasalukuyan
Kundi bula at hinala at mga alaalang kalilimutan ng panahon.
Dahil hindi ka ligtas sa ilalim ng langit—ano ang bago sa bagong taon?
Katulad ba ni Stephanie, tinamaan ka ng ligaw na balang hindi nagbaligtad ng damit
Kaya nga’t naligaw at napiit sa mumunting katawan; katulad ni Stephanie,
Ikinahon ka ba sa lumalangitngit na kuwadrong daigdig ng walang saysay na ngitngit?
Katulad mo ba silang tinatakasan ng bait? Oo, wala nga’ng ligtas sa ilalim ng langit—
Kahit mga damdaming umaasam, pinupunit; maski kamusmusa’y ipinagkakait.


(*pasintabi sa linyang “No one is safe under heaven.” ni Mark Angeles
at sa kanyang tulang Full Metal Jacket.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento