Mabait pong bata ‘yang si Johnny, mahusay raw sa eskuwela, sabi-sabi.
Lalo na sa Math saka History. Lagi rin pong kasama sa top ng klase.
Ewan kung bakit nga ba hinuli ng mga mamang diretso ang likod, isang gabi.
Wala naman pong bisyo ‘yan maliban sa kompyuter. Dito kasi
Sa amin, uso ang Piso Net; maghuhulog ng piso, makakalarga na sa FB
O sa mga Dota-dota at iba pa. Pero ‘yan pong si Johnny, iba po ang hilig.
1st college pa lang po iyan, kumukuha ng Sociology, ang mga binabasa, di ko makalahig.
May nakita po ako, isang araw, Pinoy Weekly ang nakalagay. Tapos isa pa, PADEPA.
Meron ding, PKP ba ‘yun? Saka mga website na panay kamao saka puro pula.
Madalas po, pag nakikita ko s’ya, may picture na iniiba, Photoshop tawag doon, di ba?
Di ‘yan masalita si Johnny. Wala nga’ng kaibigan na malapit, kaya sa sulok ‘yan palagi.
Dito ‘yan palagi sa shop, kaya madalas kong nakakausap. Wala kasi silang kompyuter sa bahay.
Uuwi lang kapag tinawag na ni Aling Goria, ‘yung manikurista niyang nanay.
Iyong tatay raw ni Johnny, si Mang Andeng, dinukot daw isa gabi, lider daw kasi ‘yun sa mga rali.
Tapos, banggit n’ya minsan, baka mahinto na s’ya next sem. ‘Yan e nung magpa-print s’ya
Ng mga parang diyaryo ang itsura, tapos ang nakalagay: JUNK CYBERCRIME LAW!
Akibista raw ‘yan, kaya ganyan, sabi ni Mang Samuel. Pero iniisip ko, di naman s’ya nanggugulo,
Siya nga lang pinakamatino dito sa shop. Lahat ng ‘andito, puro Putangina
At Bwakanangina ang nasa bunganga, lalo na kapag naglalaro ng Dota. Opo, bantay lang po
Ako rito, galing akong probinsya. Pag gagamit, sa akin po sila nagpapapalit ng barya.
Namimiss ko na nga po si Johnny, wala na kasing matino dito sa shop. Walang makausap.
Puro mga nakikipag-chat lang. ‘Yung may kausap na porener, tapos nag-iipit ng suso
‘Yung ‘andito, minsan bakla pero madalas ‘yung Ale d’yan sa kanto na ang tawag e Sekretarya:
Sekretarya daw ng United Nations. Ay, basta! Basta miss ko na si Johnny, saka yung mga post
Niya sa FB . Andami ko kasing natututunan sa kanya, 1st year hayskul lang ako, di ako nakatapos.
Kumusta na kaya s’ya? Teka, kaninang umaga ho, may nakitang bangkay dun sa estero.
Di na makilala, puro paso, tapos hubad-baro. Parang si Johnny nga e, parang si Johnny,
‘Yung kumukuha ng Sociology, ‘yung aktibista, ‘yung hinuli isang gabi, nung isang gabi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento