Biyernes, Setyembre 13, 2013

Minsan May Wala

Minsan may tula pero hindi ikaw ang tula.
Maaring ikaw ang taga-ulat, o ikaw ang mulat,
pero hindi ikaw ang tula tulad ng iyong inaakala.
Maaaring bahagi ka lamang ng tula, o minsan
isa ka lamang bula, minsan ikaw ang maysala,
o minsan ikaw ang pinsala, pero hindi ikaw
at hinding hindi ikaw ang tula. Pansinin: may salita
at ang salita ay parang bloke ng birhen na bato
na inagaw sa balakang ng bundok, hindi ikaw ito.
At uulitin ko, hindi ikaw ang tula. Ang tula
ay hindi rin ang salita, minsan nag-aanyo itong
isda, pero ang tula ay higit pa sa isda, higit sa salita.
Kaya hindi rin ito ang tula. Kung may hapag na salat
sa ulam at kanin, uukitin mo ba ang bato
upang maging mesa, dudurugin mo ba ito at
itatabi sa kutsara? Ang isda, mahuhuli mo ba
gamit ang iyong dila? Anong silbi ng salita, at sino
ang tula? Minsan may tula na salat sa hinala,
pero ang tula talaga, sang-ayon sa kanila,
ay mumunting katotohanan sa pagitan ng mga hiwaga.
Sino ang sila at ano ang hiwaga? Ang tula ay alaala,
mga pag-alaala sa di mo makita, ng mga wala.

(pasintabi sa tulang "Minsan, May Tula" ni Marvin Lobos)

S To S

ipinagpipitagan natin ang salitang--pagmamahal
na minsan, pinagsasaluhan natin sa ilalim ng buwan
o sa sulok ng isang lugar na di matutunton ng mata
saan kita matatagpuan kapag hinanap ko ang iyong labi?
hindi naman maaaring ihalik ang alaala sa mga akala
ang labi sa labi, sa hungkag na lente na nagdurugtong
sa ating mga pangungulila ay hindi sapat upang lunasan
ang sarili sa nililikhang sugat ng mga bubog sa mata
kailangan nating kumapit sa isang gabi ng ating mga sarili,
magkalingkis ang ating mga bukas, at ipinagpipitagan
natin ang salitang pagmamahal na binabalangkas natin
sa ating mga balat at kaluluwa habang matalim ang sumbat
ng umiimpis na oras ng ating pagsasanib; ang kapalaran
ay hindi natin aasahan, tayo ang magtitiyak ng hantungan.

Traffic Lights

paalis na ako ng bahay
at iniisip kong baka, baka lang naman
ma-trapik ako

linsyak, paano kung ma-late ako?

hindi naman ako aasenso
kung atrasado ang dating ko
dahil sa lintik na siksikan sa trapiko

hindi ako uunlad,
hindi ito pag-unlad

at talagang kabobohan na senyales
daw
ito ng lumalagong ekonomiya

mas gusto kong maglakad
at kumaliwa

kapag pula na ang idinidikta
ng traffic lights

papunta sa daan na di nila
makikita.

Ipaliwanag Natin Sa Kanila Ang Salitang Soberanya

unang-una, hindi ito sobre, hindi ito sorbetes, hindi iyo o kanya
walang higit na salita na makahahawig dito maliban sa laya
parang ibon man, may layang lumipad, naghahangad
ng sariling pugad na hindi hinabi ng banyagang mga sagad
sa kapusukan at katakawan, na bumubuwelong iprito
sakaling malingat sa nararapat na pag-iingat
parang higad na inagawan ng sanga, wala nang ugat
ang mga uusbong na pakpak sa kanyang balikat
hindi na siya makalilipad at magiging marikit
at siya'y mapipiit sa tuka at kuko ng lintik na makulit
na agilang mahilig sa pagkalahig sa mga lupaing maliit
ikalawa, ang soberanya ay higit pa sa teritoryo
higit pa sa kawaling may adobong walang toyo
higit sa aabuting alingawngaw ng malungkot na simboryo
ang soberanya'y tagos sa salitang ikaw at ako: tayo
hindi sila ang magtatakda ng sukat at tugma ng lupa
hindi sila ang ube sa halo-halo o ang sabaw ng tinola
hindi sila ang tinapa, ang banig, ang protesta
kundi ikaw at tayo at ang siyamnapu't pitong milyong deboto
ng salitang Filipino na ang "F" ay "P" kapag lumabas sa labi
panghuli, ano pa ang aking masasabi kundi pagsasarili
huwag kang green, hindi iyon ang gusto kong sabihin
pagsasarili dahil alam naman natin kung paano maglakad
dahil may mga paa tayong ipinanganak ng kasaysayan
pagsasarili dahil may mga mata tayong nakatingin
sa bukas at inaral ang praktika sa pabrika ng katotohanan
pagsasarili dahil may mga kamao tayong nakasusuntok
nakakatangan ng baril, nakaaasinta, itinututok
sa mahihilig yumurak sa dangal at kasarinlan
at hindi alam ang soberanya, ang ating mga dahilan.

Pagkasadsad Ng U.S. Guardian Sa Tadyang Ng Tubbataha, Humawak Ng Granada Ang Mga Isda At Naghapag Ng Labanan Ang Bahura

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura

wala tayong pakinabang sa kanila
maliban sa wala naman talaga,
sila sa atin ay higit pa sa dangal
at soberanyang ginagahasa

kaya't huwag mangangamba,
Tubbataha, tahan na
sa pagtutuos ng mali sa tama
at maliit sa dambuhala

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura