Minsan may tula pero hindi ikaw ang tula.
Maaring ikaw ang taga-ulat, o ikaw ang mulat,
pero hindi ikaw ang tula tulad ng iyong inaakala.
Maaaring bahagi ka lamang ng tula, o minsan
isa ka lamang bula, minsan ikaw ang maysala,
o minsan ikaw ang pinsala, pero hindi ikaw
at hinding hindi ikaw ang tula. Pansinin: may salita
at ang salita ay parang bloke ng birhen na bato
na inagaw sa balakang ng bundok, hindi ikaw ito.
At uulitin ko, hindi ikaw ang tula. Ang tula
ay hindi rin ang salita, minsan nag-aanyo itong
isda, pero ang tula ay higit pa sa isda, higit sa salita.
Kaya hindi rin ito ang tula. Kung may hapag na salat
sa ulam at kanin, uukitin mo ba ang bato
upang maging mesa, dudurugin mo ba ito at
itatabi sa kutsara? Ang isda, mahuhuli mo ba
gamit ang iyong dila? Anong silbi ng salita, at sino
ang tula? Minsan may tula na salat sa hinala,
pero ang tula talaga, sang-ayon sa kanila,
ay mumunting katotohanan sa pagitan ng mga hiwaga.
Sino ang sila at ano ang hiwaga? Ang tula ay alaala,
mga pag-alaala sa di mo makita, ng mga wala.
(pasintabi sa tulang "Minsan, May Tula" ni Marvin Lobos)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento