unang-una, hindi ito sobre, hindi ito sorbetes, hindi iyo o kanya
walang higit na salita na makahahawig dito maliban sa laya
parang ibon man, may layang lumipad, naghahangad
ng sariling pugad na hindi hinabi ng banyagang mga sagad
sa kapusukan at katakawan, na bumubuwelong iprito
sakaling malingat sa nararapat na pag-iingat
parang higad na inagawan ng sanga, wala nang ugat
ang mga uusbong na pakpak sa kanyang balikat
hindi na siya makalilipad at magiging marikit
at siya'y mapipiit sa tuka at kuko ng lintik na makulit
na agilang mahilig sa pagkalahig sa mga lupaing maliit
ikalawa, ang soberanya ay higit pa sa teritoryo
higit pa sa kawaling may adobong walang toyo
higit sa aabuting alingawngaw ng malungkot na simboryo
ang soberanya'y tagos sa salitang ikaw at ako: tayo
hindi sila ang magtatakda ng sukat at tugma ng lupa
hindi sila ang ube sa halo-halo o ang sabaw ng tinola
hindi sila ang tinapa, ang banig, ang protesta
kundi ikaw at tayo at ang siyamnapu't pitong milyong deboto
ng salitang Filipino na ang "F" ay "P" kapag lumabas sa labi
panghuli, ano pa ang aking masasabi kundi pagsasarili
huwag kang green, hindi iyon ang gusto kong sabihin
pagsasarili dahil alam naman natin kung paano maglakad
dahil may mga paa tayong ipinanganak ng kasaysayan
pagsasarili dahil may mga mata tayong nakatingin
sa bukas at inaral ang praktika sa pabrika ng katotohanan
pagsasarili dahil may mga kamao tayong nakasusuntok
nakakatangan ng baril, nakaaasinta, itinututok
sa mahihilig yumurak sa dangal at kasarinlan
at hindi alam ang soberanya, ang ating mga dahilan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento