Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Sa mga Lansangan na Dati Kong Kilala

Nitong mga nagdaang araw,
ginagambala ako ng takot
at pangamba. Na sa kinabukasa’y
maglalakad akong kumakain ng buhok at papel,
sa mga lansangan na dati kong kilala.
Mga lansangan na aking ginalugad
upang pagsilbihan ang pag-aasam
ng iilan,
na ang tagumpay ay isang iglap na makakamit.
Sapagkat, maraming taon kang nagsunog ng makapal na kilay
at humalik sa mga libro,
nakipagbuno, nakipagtagisan
sa mundong hindi kailanman
nahakbangan, ni nasulyapan
ng mga nalugmok sa kuko ng tadhanang
hindi nila pinili;
gusto nilang takasan;
ngunit, habang buhay nang nakapasan
ang sugat nito sa kanilang bagsak nang balikat.
Hindi ko maaatim na pagsilbihan,
silang kumakain ng dyamante,
naliligo sa salapi.
Hinding-hindi kailanman!
Silang kinalimutan ng kasaysayan at pag-unlad,
ang pag-aalayan ng pawis at oras.
Bahala na kung kumain man ng buhok o papel,
bukas o makalawa,
sa mga lansangan na dati kong kilala.

1 komento:

  1. * "silang kumamakain ng dyamante", d'yamante 'tong tayutay mo na 'to pare. kabaligtaran no'ng "naliligo sa salapi", haha.

    TumugonBurahin