Lunes, Pebrero 14, 2011

Unang Pag-ibig at Pag-igib

May tatlo akong kuwento na matagal ko nang nagawa. Dalawang taon o tatlo na yata ang lumipas. Ang totoo'y sa kuwento ako unang nangahas. Mahal ko ang Prosa, una bago ang Tula. Pero Tula ang yumakap sa akin, hinaplos lamang ako ng  Prosa at iniwan kalaunan, sa pag-aakalang magkakatugma kami. Tula ang kasintahan ko sa kasalukuyan.

Ang una kong kuwento ay hinalaw sa istruktura ng kanta. Aktibismo. May pagka-Mendiola theme, rally. Iyong ikalawa,  nahumaling ako sa sikolohikal na banat sa Prosa, partikular sa "criminal tendency." Impluwensya ni Tony Perez. Kaya trahedya 'yung naging resulta at sa katunayan nga, halos lahat ng kuwento kong nalikha ay sinaklutan ng kamatayan: ng mismong mga karakter. Naniniwala ako kay EMR: "Tragedy is Hope!",  kaya paumanhin sa mga takot sa pagpatay, patay o kamatayan. At sa ikatlo't panghuli, tinangka kong kaltasin ang gawing dialogue sa Prosa, alisan ng panipi hanggat maaari at gumamit lang ng mga talata. Eksperimento de Gago, kahit wala pa sa kalingkingan ng mga dambuhala.

Hindi ko alam kung tama ang mga pinaggagawa ko. Wala pa akong Lisensya upang magkuwento (maging sa tula). Pero nakatatlo na. Ibig sabihin, maari akong makulong. Premature Abuse of Writing. Hilaw pa't kulang sa sustansiya ang binuo kong mga prosa, at baka mapalo ako sa puwet ng mga "pormalista" kung ihahain ko ito sa kanilang mesa. O dili kaya'y kutusan ng mga saradong Modernista at agresibong Post-modernista: "Hoy! Anong ini-epal mo dito? Mag-aral ka muna!", baka iyan lang ang maibato sa akin. Nakatatakot!

Kaya nga't heto, sa inyo na lamang. Gusto kong humingi ng kuwento. Mga kuwento niyo sa kuwento ko. Pangit. Hindi maganda. Bulagsak. Mabaho. Nagpipilit. Walang batbat. Kahit ano, gusto ko ang inyong mga komentaryo. Pampatibay ng puso o pampadurog ng buto, wala akong pakialam. Maligaya akong basahin ninyo. Doon lang solb na ako.

Ang karaniwang mambabasa ang pinakamahusay na hurado ng isang akda. Walang batbat ang mga pinagpipitagang "manunulat" ng Palanca sa talas ng kritisismo ng karaniwang tao. Sa inyo ako hihingi ng lakas, para maging Superhero. Nang makatugpa sa landas ng Prosa, na mahal ko nga'ng talaga at timba ng aking talinghaga.

Mula sa Google ang Larawan

4 (na) komento:

  1. wala bang like button dito? :P

    TumugonBurahin
  2. wala e... comments lang...

    at magcomment lang... e siguro. like na rin yun...

    TumugonBurahin
  3. hahaha! o sige eto. tanda mo yung sinulat mo na tinanong ko kung totoong kwento o hindi? tapos yang tanong mong yan sa taas...tapos yung tungkol sa kaklase mong nawala. tingin ko lang mas magaling kang 'mag kwento' kaysa sa tula. hindi pa ko nakakabasa ng maikling kwento mo n_n kaya ang tinutukoy ko, yung 'sanaysay' siguro...

    TumugonBurahin
  4. awts!

    e di olats pala ang mga tula ko. haha.

    let's see...

    TumugonBurahin