isinilang siyang nakakuyom na kamao
puso niyang hinubog ng pawis at kapagalan
pumipintig na kamaong binabata walong oras
o higit pa, na pagkaalipin, sa sahod at pagod
na mainam sana kung mag-aahon sa pamilya
sa dustang tinapa, bahaw na kanin at kapeng walang lasa
nakakuyom na kamao ang puso niyang
inilulubog sa hika, pulmonya, diyariya't kolera
mga sakit na kaytagal nang kinatakutan
sa mga piling bansa, nguni't pumatay pa sa kaniyang bunsong
ni hindi nakasuso ng gatas sa botelya
sinabawang kanin ang huling natikman ng maliit nitong dila
kamaong nakakuyom ang puso niyang
nakagapos sa kawalang-katiyakan
alinlangan ang mabuhay sa barungbarong
alinlangan ang mabuhay sa tutong
alinlangan ang araw-araw na gutom na magtitiyak
sa halik ng kamatayan, anumang araw mula ngayon
isinilang siyang nakakuyom na kamao
puso niyang hinubog ng pawis at kapagalan
mamatay ba siyang bukas na palad ang iiwan
na sinulsihan ng peklat, sugat, grasa at kalyo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento