Lunes, Oktubre 17, 2011

Hindi Sinasabi Ng Pag-ibig*

Na gutom siya, at butas na ang kaniyang sikmura.
Hindi siya kailanman magsasalita tungkol sa lungkot
O sa bagyong lumulukob sa kaniyang katawan.
Magdadalawangmilyong-isip siya bago magbigkas ng “Paalam.”
Hindi siya maguguluhan sa pagsasambit ng “Mahal kita.”
Tahimik lamang siya kung matatanaw ka, simpleng ngingiti
At hindi niya ipahahalatang sumasayaw na siya
Kung ikaw ay mag-uusal ng awit mong mga salita.
Madalas, kung gabi, iisipin niya ang iyong labi.
Paano nga ba niya maipapahayag na ika’y hinahanap
Ng kamaong naglalagi sa kaniyang baga?
Paano siya maglalakas-loob na tumitig sa iyo?
Paano siya maghahayag ng tula?
Hindi niya sasabihing masaya siya sa mga sandaling
Natatangi ang iyong larawan sa kaniyang isipan.
Mahihiya siyang hawakan ang iyong kamay,
Dungo siyang magpapakatanga, kahit itulak mo ang iyong
Sarili sa kaniyang katauhan
Ganyan siya. Mula't mula.
Pero, kung magsimula siyang magtakda
Na ikaw ang hele sa kaniyang mga gabi
At ang puwang sa inyong mga daliri ay tugma
Ng mga tulang kinakatha ng kaniyang kaluluwa.
Kung ganap nang nahulog ang kaniyang hininga
Sa iyong piling,
Hindi mauubusang batis ng pagmamahal
Ang sa kanya’y bubukal. Walang hanggang pagtitig,
Walang limitasyong haplos at halik. Isang
Natatanging pagtatangi, laan sa iyo
Ang handog ng kaniyang puso.
Ikaw nang bahala sa kaniyang daigdig,
Ikaw ang langit at lupa,
Mga araw at gabi, ang kulisap at alitaptap,
hangin at ulan.
Ikaw ang daigdig na kaniyang iikutan.
Hindi sinasabi ng kaniyang Pag-ibig ang
Katapusan ng kaniyang pagtatangi
Sa iyo pagkat iyo’y kamatayan ng kaniyang pagkatao.
Hayaan mong alagaan niya ang iyong daigdig
At mabubuhay siyang ikaw lamang ang pananalig.


*kay G.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento