Sabado, Pebrero 18, 2012

Hindi Universal Studio Ang Kamaynilaan O Kung Bakit Ka Nata-trapik Dahil Sa Lintik Na Shooting Ng Bourne Legacy

unang-una, pagmumukhaing lulong ka
sa mapuputing mukha ng mga banyaga
at wala kang palag kundi humanga
sa six-pack abs ni Jeremy Renner
at sa malalanding kurbada ni Rachel Weisz
matutuwa ka, at mangangarap maka-ekstra
sa great production ng latest installment
ng Bourne series na sinulat ni Robert Ludlum
babayaran ka ng limandaan, magalak kang
maiinterbyu ng GMA at ABS-CBN, ipamamalita
mo na swerte ka at napili at masaya ka
dahil narito ang mga artistang kumikislap
ang ngipin at maaliwalas ang ngiti, masaya ka
dahil ibabandera sa mundo ang dakila mong
bayan, ipagmamalaki mo, iba talaga ang Pinas
sasabihin mong mababait ang mga banyaga,
at masarap daw, sabi nila, ang klima ng Maynila
mababaliw ka sa kahihiyaw kapag nginitian ka ni Renner
maglalaway ka at mababalian ng leeg kakasipat
sa dibdib at hita ni Weisz, hindi mo hahanapin si
Matt Damon, wala kang tanong kung bakit
wala na siya at ang mahalaga, kasama ka sa
pelikula, hindi mo papansinin na inip at inis na
ang magdedeliver ng gulay sa Balintawak at Divisoria
dahil bwakana ang trapik sa Pasay, hindi ka mag-aalala
sa mga estudyanteng na-late sa klase dahil
isinara ang halos lahat ng kalye sa Marikina,
hindi ka matatakot na gumuho ang Jones Bridge sa Maynila,
okay lang ang crowded mood sa Ermita, kahit mabilasa,
walang problema kung malunod ang mga isda sa mga banyera
ng Navotas Fishport. at matutuwa ka sa MMDA dahil,
for the first time, talagang asikasong-asikaso ang daloy
ng tapiko, with coordination kay direct Tony Gilroy.
panatag ka lamang na hahanga
sa mga state-of-the-art nilang gamit pampelikula,
sa mga naglalakihang van, sa mga death-defying stunts
sa lahat-lahat, sa ngalan ng Bourne Legacy, wala kang
angal. kung bakit trapik sa Kamaynilaan, sisihin mo
ang mga saydgar boys at walang-disiplinang jeepney
drivers, huwag sisisihin ang shooting, minsan lang maganito
ang Pinas. at talaga namang trapik sa Pilipinas, ika mo nga,
trapik din ang buhay mo at sanay ka nang ma-istak
sa buhol-buhol mong hininga. wala kang amor sa Impitsment
sa senado. wala kamong pagbabago,
maupo na lamang at sumabay sa uso. tinanong kita, kung
balak mo bang panuorin ang pelikula sa sine
sumagot kang "Putang'na, wala na nga akong makain
inunuod ko pa ng sine? Teka, anong ibig sabihin ng
Bourne Legacy?"

1 komento:

  1. * pare, dito na lang ang puna ko wa. Ayoko nang makigulo sa notes sa Facebook, hehe. Una, nagandahan ako sa pagkakalatag ng mga impormasyon: pangalan ng artista, kalsada, sistema ng trapiko. Malinaw ang tagpuan at imahe. Pro mas nagustuhan ko ang ending. Ang husay. Medyo nakagulo lang sa akin ang paglalatag, nparang nawala ang pagiging tula, pero di naman na ganoopn kalaking isyu iyon, sa kabuuan, wagi ito. Binabati kita.

    TumugonBurahin