Sabado, Pebrero 18, 2012

Banal Na Aso

sa kanto ng Juan Luna at Chacon
umaambon
isang aso
ginintuang balahibo
ang nakahandusay
patay.
kailangan ko bang malungkot?
nakabalatay
sa kaniyang pangil ang dugo.
sa dila
nawalay na ang bangis at angas.
maputik ang huli niyang hantungan
maalingasaw ang katabing kanal.
kailangan ko nga bang malungkot?
noong isang gabi
isang aso ang muntik nang ngasabin
ang aking binti
gayong naglalakad lamang ako
nang buong pitagan.
kahol laban sa takot
nakipagtitigan ako.
marahil nalaman niyang nagnakaw
ako ng libro.
kung itong asong ito
sa kanto ng Juan Luna at Chacon
ang asong pumalis ng aliwalas
sa mapitagan kong gabi
kailangan ko bang magalak?
may kaluluwa nga ba ang asong ito?
kung mamaya
mamatay ako
isa ba siya sa mga sasalubong sa akin?
sa pintuan ng langit
sa tarangkahan ng impiyerno
sa shangrila
sa nirvana
sa moksha
sa tulay ng chinvat
sa hades
sa samsara
sa bardo.
marahil oo
o baka hindi.
aywan.
pero kailangan ko bang malungkot?
aalayan ko ba siya ng awa?
maramdaman kaya niya
ang damdamin ko?
nasaan ang kaniyang kaluluwa?
mauunawa
kaya niya
na dati
pitong taon ako
habang sinusunog ang kaniyang kalahi
tustado
binalatan
ginayat
inadobo
ngiting aso akong
nagalak
at bumusal
ng "Masarap pa'lang aso, Manong!"
kailangan ko bang malungkot?
sabihin mo
kailangan ba?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento