para akong di matigil na manok
na tutuka-tuka sa iyong pisngi,
hindi ka nagagalit at ika mo,
kung papabayaran mo ang lahat kong
halik, marahil yumaman ka na.
halik lang 'uli, muli't muli, ang
isasagot ko. hindi ka na magsasalita.
minsan, tinatapik mo ang mga yakap
ko, minsang napapalo, minsang
nasusuntok. kung nasasaktan ba ako,
huwag kang mag-alaala, ang pagkawalay
mo ang palo, suntok at dagok na
papatay sa akin, nguni, mariin mo rin
namang isinasambit, na ano't anuman
mananatili tayo, sa isa't isa. hindi na ako
magsasalita.
kagabi, parang palaso ang mga titig mo
na nakatutok sa aking dibdib, tagos sa puso.
matatakot ba akong mawalan ng hininga
sa matalim mong mga mata? igaganti ko, alam
mo, ang yakap at halik, na walang palya
mo ring tinatapik-tapik at tinutukso-tukso.
hindi na ako gaganti, hindi ako magsasalita.
hindi na tayo magsasalita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento