Sabado, Enero 28, 2012

Puyo

sa cagayan de oro
nagsimbang-gabi si sendong
at nagsasasayaw ang mga putik
magalak na nagbububulwak
ang maangas na baha

sa iligan
isa-isang nagising ang mga biktima
may saklob ng troso ang bubong
may mga kisameng nilantakan
ng luha at hinagpis

sa negros oriental
humahalo sa tsokolateng putik
ang mapait na luha ng tangis
at mabangis na nakatusok
ang tulos ng kapalaran
sa kanilang dibdib

sa misamis oriental
walang patid ang pagkaganid
at said na'ng likas para bukas
matutuyo ang mga putik
ngunit wala nang inosenteng
hiningang maibabalik

sa cebu
hahalakhak ang pagsasamantala
maliligalig ng bigas at de lata
ang mga kalsada, sa interes
ng balat-kayong kawang-gawa

at sa maynila, sa tarangkahan
ng pinagpala, umaalulong
ang hugong ng mamahaling sasakyan
nagsasayawan ang mga paa
siksik-liglig ang mahabang hapag

sa bumbunan ng pangulo
manhid,
tila bagyo ang ikit ng puyo

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento