Sabado, Enero 28, 2012

Sa Kawang-gawang Sinungkit Sa Labi

ginagahasa nila ang lahat ng mayroon   tayo
ginagahasa nila ang umbok ng bundok
ginagahasa nila ang kaparangan
ginagahasa nila ang taimtim na tulog ng ilog
ginagahasa nila ang kasapatan ng karagatan
ginagahasa nila ang yaman ng kagubatan
ginagahasa nila ang lahat nating karapatan
     na     mabuhay

ginagahasa nila ang lahat-lahat sa atin     tayo
ang biktima    at    ipamumukhang tayo  at     tayo
pa rin     ang salarin

tayo at tayo ang ginagahasa at wala pa rin    tayo
sa kamuwangan ng            pagtindig

namatay ang isang ina, laksang mga anak
namatay, namatay ang kuya at isang ate ang nalamog
ang dibdib, namatay ang sanggol sa lunod at namatay
ang lola sa piling ni lolo sa tagpo ng creek, naipit ang mga ulo

nakanganga ang mga sinalanta at ginahasa
naninigas na kamay at paa, malamig,       nakahihindik

hinahanap ng ama ang dalawang anak, ang asawa
ang mga magulang ang biyenan, hinahanap ng kaluluwa
ang unawang bakit sa sako humahantong ang bangungot
hinahanap ng biktima ang sarili sa putik, hinahanap
ng sarili ang pasko sa tumuwad na kotse at mayabang
na troso

ginahasa, ginagahasa at gagahasain nila tayo
lahat-lahat, mulang bumbunan hanggang kasukasuan

   sila ang magmumukhang mabuti, sa huli
sila ang magmamabuti
sa kawang-gawang         sinungkit sa labi
ng nagdadalamhati        
                       nakangiti
sila
sa TV
        silang gumagahasa sa      atin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento