Miyerkules, Agosto 8, 2012

Evacuation Center

ang sangmangkok ng lugaw
ay mananatiling lugaw
ang mainit-init na sopas
ay mananatiling sopas
ang sangdakmang bahaw
ay mananatiling bahaw
ang maputlang kape
ay mananatiling kape

ang nangangatog na bata'y mabubuhay sa lugaw
isang araw, ngunit hindi sa kinabukasan
dahil ang higit niyang kailanga'y matibay na bubong
at yakap ng kumot sa gabing kumakalampag ang ulan

ang mainit na sopas ay may talab sa dilang maikli
ng matandang pinapayat ng ubo, bagamat
pansamantala lamang dahil lumilipas ang sopas
at higit na may talab ang angkas ng gamot sa sikmura

ang daliri ng mamang kinapitan ng mga mumong malungkot
ng bahaw na nakasimangot, ay daliring pumapalahaw
ng sumamo, ng kaunting kabuhayang magsusugpong
ng buhay sa pamilyang itinirik sa bunganga ng creek

ang kulot na aso ng maputlang kape'y papanaw
tulad ng usok ng sigarilyong pinatay ng patak-ulan,
at maglalahong parang usok silang naggawad ng kalinga
sa yugtong paslangin ng media ang apoy ng dumaang trahedya

dahil ang sangmangkok ng lugaw
ay kaluluwang ligaw
ang mainit-init na sopas
ay bubong na may butas
ang sangdakmang bahaw
ay katinuang bumitaw
at ang maputlang kape
ay labing walang ngiti.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento