(29 na bahay ang nilagom ng lupa:
Sitio Moog, Brgy. Planas, Guihulngan
Negros
Oriental
Manolo Mangalso, inagawan ng
Lorna, 32, asawa
mga anak: John Mark, 8
Jira Mae, 6
Charity Joy, walong buwan
Primitivo Mangalso, 47,
nakatatandang kapatid
ni Manolo, inagawan ng
mga anak: Sheila May, 16
Kristel Jane0, 15)
ii.
hindi marapat sisihin
ang kalikasan ng kalikasan
walang paghihiganti;
natural ang lahat sa kanilang
mga kamay, umuulan,
bumabagyo, lumilindol
at natural lamang
ang kamatayan,
tulad ng paghinga,
tulad ng mga nilalanggam
na ipis o iniipis na tambak
ng basura.
natural, kung lagumin ka ng lupa,
ilang minuto lamang
ang kakayanin ng baga
at sesenyal na ito ng paalam.
iii.
(Cindy Lisondra, 21
"...the woman had
sent
a text message to
her
boyfriend from under the rubble
at around
9:00 p.m.
on Monday...")
iv.
likas sa tao, katawan ng tao,
ang magdalamhati sa dapat
ipagdalamhati. alisin ang daliri
kung mapaso sa kawali, umiyak
kung iwan ng kabiyak.
natural ang natural sa mundo,
masama at mabuti.
natural ang natural sa mundo,
tulad ng malamig na hangin
tuwing Pebrero at pagpikit
ng mata kung may tangkang
puwing.
magkagayunman, may mga likas,
natural, na hinabi sa kawalan
ng kalikasan at natural. hindi
basta-basta gumuguho ang bundok.
hindi basta-basta nabibiyak ang lupa.
hindi mamamalagi sa delikadong
sitwasyon/pundasyon ang tao kung
may kakayahan
siyang mamalagi sa ligtas na sitwasyon
at pundasyon.
v.
hindi basta-basta namamatay
ang hayop, may batas ang kalikasan.
kinakain ng leon ang gazelle.
mabagal ang pagong. mabilis ang
cheetah. matalino ang matsing.
may mata ang bagyo, naglalaway
ang alimango. sumasayaw ang puno,
kumakanta ang ibon.
sa tao, kailangan kang magkasakit,
kailangan kang tumanda
at maaari kang mamatay sanhi
ang mga iyan.
ngunit may mga pagkakataong,
sanhi ng likas at natural
na bumubunga sa likas at natural
ang mga tangis at dasal.
pinatay matapos gahasain,
pero natural ang libog.
pinatay dahil sa eleksyon,
natural ang inggit.
pinatay dahil sa selos,
natural ang tumikim.
pinatay dahil rebelde,
natural ang kawalang-puso.
pinatay dahil sa prinsipyo,
natural ang demonyo.
vi.
likas daw sa tao ang lumaban
at likas din ang pagkaganid.
may masama
at mabuti.
vii.
walang sala
ang kalikasan.
may sala
ang di makuntentong tiyan
at isipan.
viii.
kung ito'y sa usapan na rin
lamang ng likas ng kalikasan
ng kalikasan at tao, maanong
umpisahan ang pagbagyo
ng mga punglo at pairalin
ang likas ng mundo: ang
pamamayani ng anghel
laban sa demonyo.
ix.
lumilindol
ng alinlangan
sa mga tent
ng Kabisayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento