Sabado, Enero 28, 2012

Kinakausap Ng Inang May Tattoo Sa Kanang Braso Ang Kaniyang Sanggol

Na tatlong buwan nang umiiral sa daigdig.
Malabo pa ang aninag ng mata, ngunit tiyak nito,
Sampu ng kaniyang pandama’t pandinig, ang pait at hinagpis
Ng Inang dinisgrasya ng matandang pulis.
Pulis na ayaw sumustento sa sanggol
Na pitong buwan na namalagi sa uterus ng ina,
Premature nang salubingin ng kamay ng doktor
Na may maruming gloves at gunting na ipuputol
Sa inunan. Payat siyang sanggol, kayumanggi,
Katulad ng tsiko. Maliit ang ulo’t katawan, tila walang palag
Sa panahon. Sapo siya ng inang makuwento.
Naglalahad ng buhay na tila buhay ng maraming pang buhay.
Teleseryeng singpait ng patis ang kasadlakan, umiiral
Sa loob ng kahon at humihingang lipunan.
Tiyak, hindi kawalan ang kawalang malay ng sanggol,
Sumusulak, sa salaysay ng kaniyang ina, na sisibol
Sa kamao nitong payat na produkto ng maruming libog
Ng mundo, ang tatag ng bukas. Tiyak,
Hindi man maging ganap ang maayang bukas para sa lahat,
Itatakda ng sanggol ang makauring pagpapasya,
Sa buhay na kinatam ng disgrasya at pangungulila,
At ako ang mapapahiya, sa hawak kong supot na nilamanan
Ng mga libro, banyaga pa rin ako sa daloy ng mundo.
Iiwan ko silang bitbit lamang ang kanilang kuwento,
Walang ambag sa angat ng kanilang kasadlakan.
Iniwan ko silang kinakausap, kinakasuap ng inang
may tattoo sa kanang braso ang kaniyang sanggol.
Sa mapait na lipunan ng dyipni, nasagap ko ang kanilang istorya’t ngiti
Nang bumaba ako, nakasalubong ko’y isang amputee.

Ugat

sana
habang gumagapang ang lason
sa salimuot ng aking mga ugat

umuusad ang kalamnan
umuunat
inihahanay ang sinusunog na balat
ng mga balikat
sa tarangkahan ng palasyo

upang magtakda ng nararapat
magdurugo
ang aspalto
pipintahan ng dugo
ang pagsasamantala

habang umaawit ng himno ng apoy
milyong mga tinig

kampante akong pipikit
at ang daloy ng lason sa aking mga ugat
ay susugat
sa kanilang ulirat

kasaysayan itong di na nakagugulat
at maisusulat
sa aklat ng pagkamulat

sana
sa kabila ng lahat
may ambag itong lalasunin kong
ugat.

Hindi Lamang

hindi lamang sa tamis ng paghahalikan
ng ating mga palad
hindi lamang sa ngiti ng iyong mga mata
o sa ningning ng iyong labi
hindi lamang sa init ng ating pagtatangi,
sa kislap ng ating mga sarili
hindi lamang sa kinang ng iyong balat
o sa walang kaparis mong balikat
hindi lamang sa lambot ng itim mong buhok,
sa samyo ng iyong pawis
hindi lamang sa tindig mong walang kaparis
o sa tinig mong tila isang awit
hindi lamang sa brilyante mong mga kuko,
sa pisngi mong sumusuyo
hindi lamang sa iyong kabuuan, hindi,
hindi lamang ang mga iyan

hindi lamang sa nakikita ng aking mga mata
ang magtatakda ng aking pananalig at pagdakila
sa iyo
hindi lamang sa hain ng mundo, sa materyal na nasa
hindi lamang ang mga iyan ang alipatong
nagpapaliyab ng aking pagsinta
hindi lamang ang nakikita ng mata
pagkat ang iyong kaluluwa
ang hindi mahaplos ng aking kamay at pandama
ang katiyakang hinahanap,
kaganapan ng aking pag-iral.

Oo

mayroon pang mas kahindik-hindik
kaysa mag-isa
ngunit kadalasan inaabot
ng deka-dekada
bago natin matanto
at mas madalas
kung malalaman mo
huli na
at wala nang mas nakahihindik
pa rito.


--halaw sa "oh, yes" ni Charles Bukowski

Si Necesitamos Refugio

mula sa kaibuturan
ng kaniyang kasuluk-sulukan
naglingkis tayo, laman sa laman
sa dilim, inusal natin ang hanap ng tiwala
tinitigan natin ang isa't isa
naglandas ang mga kamay, sumayaw sa hangin
sa kurba ng balat, sa gilid ng init at lamig
tahimik siyang nagmamasid,
walang alinlangang naghahatid ng gabay
sa walang-lakad na paglalakbay
tinutunton natin ang mga paraan
sa bukas na ating pagsasaluhan

siya, ang sa atin ay kumanlong
at babalikan
kung kailangan nating sumilong.

Linggo, Disyembre 4, 2011

Huwag Kang Matutulog Sa Pansitan Ng Talinghaga

nagdurugo ang mga tubo sa dibdib
ng Luisita, umiiyak, may hibik
ang hininga ng mga sakada
at kung saka-sakaling nakalilimot ka
at tulalang nakatitig sa pagpatak ng ulan,
huwag mo nang hintaying mabasag
ang tadyang ng ulap at magsilang
ng silahis, huwag mo nang tulaan
ang buhay o ang ulan o ang buhay at ulan
higit sa anupaman, punglo ang tula
hinding-hindi nito masasagot ang iyong pag-iral
magtatanong at magtatanong at magtatanong ka
lamang, walang kasagutan na bubukal sa mga estropa
sa linya, sa metapora, sa pagsasatao
wala maliban sa tuod na mga letrang nakangiti
sa iyo, at lunatikong bibilugin ang iyong ulo
kung alam mong mitsa ang tula
oo, punglo, dinamita, molotov, gulok, maso
makikilala mo ang buhay, malalaman mo ang sikreto
ng paghinga, matatanto mong may pag-uulat ang tula
hindi ito pahina ng milagro at ilusyon o ng mahika at hula
kung tao kang batid ang tinutungo
alam mo ang pagdurugo ng mga tubo
sa dibdib ng Luisita, hindi ka mapagtutulog
pagkat gigisingin mo, sampu ng iyong mga tula
ang nalilibugan, ilusyunadong mundo ng mga nagtatanikala.

Maitatago Sa Kasiningan Ang Kawalang-katuturan

kung ngingiti ang tinig
makikita ko ang akit
ng matikas na sakit
ng ginusot na gusto
malapit ang pilat
sa ganting di matinag

kung nasasaan ang nasa
nag-uulat ang tula
nagdudumilat ang dalit
hinuhulaang lumuha
ang bigting tigib
sa anas ng sana

kung mapalad ang malapad
na pakpak na kinapkap
sa ngiting walang tinig
ubos ang subo ng bagsik
bibigkas tayo sa kawalan
lawak sa kipot ng pagpikot
sa oral na laro
ng salitang tinulis
sa sulit ng kipit
na pagpikit.