hindi lamang sa tamis ng paghahalikan
ng ating mga palad
hindi lamang sa ngiti ng iyong mga mata
o sa ningning ng iyong labi
hindi lamang sa init ng ating pagtatangi,
sa kislap ng ating mga sarili
hindi lamang sa kinang ng iyong balat
o sa walang kaparis mong balikat
hindi lamang sa lambot ng itim mong buhok,
sa samyo ng iyong pawis
hindi lamang sa tindig mong walang kaparis
o sa tinig mong tila isang awit
hindi lamang sa brilyante mong mga kuko,
sa pisngi mong sumusuyo
hindi lamang sa iyong kabuuan, hindi,
hindi lamang ang mga iyan
hindi lamang sa nakikita ng aking mga mata
ang magtatakda ng aking pananalig at pagdakila
sa iyo
hindi lamang sa hain ng mundo, sa materyal na nasa
hindi lamang ang mga iyan ang alipatong
nagpapaliyab ng aking pagsinta
hindi lamang ang nakikita ng mata
pagkat ang iyong kaluluwa
ang hindi mahaplos ng aking kamay at pandama
ang katiyakang hinahanap,
kaganapan ng aking pag-iral.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento