Miyerkules, Hunyo 20, 2012

Pormal


sa mga damit kong ito, kuntodo porma
mulang balakubak hanggang alipunga
slacks na maitim pa sa burak, polong
plantsado't mabango, iskwaladong
tiklop ng mamahaling panyo at
makintab na pares ng sapatos de balat, ay!
para akong sinisinat! santisima, giatay!

hindi ako ang ako sa likod ng mga 'to,
ano't parang sinaniban ng de-tak-in na multo
pumasok sa iskul, maghanap ng trabaho
tumanggap ng medalya, mag-abay kay bunso
hanggang interbyu sa harap ni San Pedro
anak ng pitong kabayo! diyoskopo, walanjo!
--ibang espiritung tumugon sa hangad
                                         ng madla,
parang karsel, parang pipit na kinuyom
sa palad, parang tulang ibinenta
ang talinghaga, parang kahong tinatakan
                                         ng akala.

Dagli 2

makata
papel at lapis

tula
salita at hinagpis.

Dagli 1

mumunting sapatos
sinipingan ng alikabok

inang tulala, amang balisa

isang tahanang
dinurog ng akala.

Doon

mga desisyong
di alam ang

destinasyon;
parang dahong
napigtal

sa takda ng
panahon,
sumayaw

sa hangin;
walang

ngayon o kahapon.

Oda Sa Patak Ng Ulan

awitin ang tambalang nalilikha mo
at ng hanging kakambal na marahil
ng iyong panibugho. kalungkutan,
salitang itinabi sa iyong tadyang,
sa kristal mong kalamnan. luha
ang isinasalamin sa iyong sarili,
ngunit batid mong hindi siphayo,
lungkot o panibugho ang isinisigaw,
ang awit na iyong nalilikha sa tuwinang
dinadalaw mo ang mga bubong,
ang mga balat ng lagalag sa lansangan
ang mga puno at dahon, at halamang
hinihintay ang iyong ritmo at kumpas.

sumasayaw ka sa pagitan ng lupa
at langit, at bago halikan ang sansinukob,
ay nagliliwaliw sa mga ulap.

ngayong magalak ang pagbisita mo,
hayaan mong batiin kita ng ngiti,
pagkat nagdiriwang ang aking damdamin
at hindi kita ihahambing
sa luhang nagbababala, nangangambala.

Edgar

oo, namamatay ang ligaya
at ang tao, oo, ang pinakateribleng lalang
dito sa daigdig ng ligalig, at trahedya.

oo, namamatay ang ligaya.
ngunit sumasampay ito, oo
sa tayog ng kawalang-hanggan/limot,

parang ikaw, na nasa pakpak
na ng di inaakalang/inaasahang pedestal.
ikaw na umaagos, banayad kung minsan
at padaskol sa kadalasan.
parang buhay mong busog sa karanasan.

ikaw na pinabili lamang ng suka
at umuwing tangan ay pluma.

Politik


nasasaan ang pulitik a?          dito

sa tula. tulad ba ng na(muli)kat
na pagnanasa; nananamlay na ugat
at ang tugma,               ang sukat
ang pagkakasiw(
alat), at pag(sisi
)walat
sa linya
            sa estropa
                             sa taludtod
                                               sa talinghaga, ay
nasasaan? nasagasaan
                            ng panahon,     kinombulsiyon
ng sitwasyon?
    pilit-pilipit-namimilipit,
ginto at bulak,   namumulaklak

              na mga salita
salat/talas/ sa protesta. ay! (n a g l a h o n g  g u n i t a !)

nasasaan ang tula?
pagkat              wala
         na bang himagsik,
                          sa birtuwal na panginorin?
di ba't               wala.ng patid ang digmaan, at
         gumugulantang
ang pananahimik?

ayaw kong malunod,               sa burak--sa lalim.
manikluhod,                             sa kawalan--sa artipisyal  
                    na kundiman,
walang diwa ng

bayan.