awitin ang tambalang nalilikha mo
at ng hanging kakambal na marahil
ng iyong panibugho. kalungkutan,
salitang itinabi sa iyong tadyang,
sa kristal mong kalamnan. luha
ang isinasalamin sa iyong sarili,
ngunit batid mong hindi siphayo,
lungkot o panibugho ang isinisigaw,
ang awit na iyong nalilikha sa tuwinang
dinadalaw mo ang mga bubong,
ang mga balat ng lagalag sa lansangan
ang mga puno at dahon, at halamang
hinihintay ang iyong ritmo at kumpas.
sumasayaw ka sa pagitan ng lupa
at langit, at bago halikan ang sansinukob,
ay nagliliwaliw sa mga ulap.
ngayong magalak ang pagbisita mo,
hayaan mong batiin kita ng ngiti,
pagkat nagdiriwang ang aking damdamin
at hindi kita ihahambing
sa luhang nagbababala, nangangambala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento