sa mga damit kong ito, kuntodo porma
mulang balakubak hanggang alipunga
slacks na maitim pa sa burak, polong
plantsado't mabango, iskwaladong
tiklop ng mamahaling panyo at
makintab na pares ng sapatos de balat, ay!
para akong sinisinat! santisima, giatay!
hindi ako ang ako sa likod ng mga 'to,
ano't parang sinaniban ng de-tak-in na multo
pumasok sa iskul, maghanap ng trabaho
tumanggap ng medalya, mag-abay kay bunso
hanggang interbyu sa harap ni San Pedro
anak ng pitong kabayo! diyoskopo, walanjo!
--ibang espiritung tumugon sa hangad
ng madla,
parang karsel, parang pipit na kinuyom
sa palad, parang tulang ibinenta
ang talinghaga, parang kahong tinatakan
ng akala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento