Martes, Agosto 10, 2010

Kung Bakit Pula at Hindi Bughaw Ang Dugo

dati
akala ko
ang kulay ng dugo
ay bughaw
napapanuod ko
kasi noon sila cedie
at sarah
mga dugo nila
bughaw
dugong-bughaw
ang gagara ng mga damit
mapuputi, maririkit ang mga mata
alun-alon ang nagdidilawang buhok
sa palasyo sila nakatira
luntian ang mga hardin
singlawak ng luneta
laging maaraw
wala akong maalalang umulan
napakaganda
napakaaya
kaya't akala ko
bughaw talaga ang dugo

napapanuod ko na rin
naman noon
'yung itim na magkakapatid
sila nikita
at si romeo
mga manggagawang bata
maitim yung mga mukha nila
marurumi
at laging maulan
at lagi silang umiiyak
naalala ko pa nga
nang magkasakit si nikita
sumuka siya ng dugo
akala ko asul
pula pala
pero nagtatrabaho pa rin siya
kahit may sakit siya at bata
at iyon nga
nakita ko
pula pala ang dugo ng mga marumi
pula pala
kaya pala maraming marumi tsaka mahirap
kasi pula ang dugo nila
at pula rin 'yung araw sa hapon

pero nung medyo nag-kaisip ako
at 'di na gaanong nanunuod ng t.v
at wala na rin sila cedie at sarah
nawala na rin ang paniniwala ko
na bughaw ang dugo
kasi si nanay
marumi ang kamay at makalyo kakalaba
si tatay marumi rin ang kamay at paa
at sapatos at damit at mukha
kasi manggagawa sa pier
'yung mga kapatid ko marungis
kakalaro sa labas
at maulan at laging basa
sa looban
at matulo
ang bubong namin
at ako sa maruming paaralan nag-aral
mula elementarya hanggang kolehiyo
marumi lahat at basa at maulan at mabaho pa
kahit saan ka tumingin may marumi

at oo
hindi nga bughaw ang dugo
pula ang dugong lumabas
sa ilong ni tatay
nang masampal siya ng kapatas nila
dahil nagtanong siya tungkol sa sahod
at si nanay nang madulas
habang naglalaba sa kapitbahay
nagdugo ang ulo niya, pula
at nang madengge si omeng
'yung kapatid ko
sinalinan siya ng pulang dugo
dahil kung hindi
baka patay na siya

at totoo
pula nga talaga ang dugo
hindi bughaw, hindi langit
hindi dagat
pula, singpula ng araw sa hapon
tulad ng mga dugong isinuka
ni nikita
at kailan kaya magiging pula
ang dugo nila cedie at sarah?
kailangan pa kayang mabahiran
ng dugo nila nikita, ni romeo
ni omeng, ni tatay, ni nanay
ng mga marurumi
ang luntian nilang hardin
na singlawak ng luneta
o kailangan pang sunugin
ang palasyo nila't abuhin?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento