Martes, Agosto 10, 2010

Martilyo

ipinupukpok ang martilyo
sa pakong nakausli
pinagdurugtong
ang nagkakagalit na tabla
ng kamagong man o narra
palotsina o lawanit
mainam ding pangpitpit ng lata
o aserong wala sa hugis at porma
kapares ng sinsil at paet
na kaibigang matalik ng isang iskultor

minsan
(o madalas nga marahil)
ipinampupukpok
sa mga galit na daliri
ng isang aktibista
ipinandudurog
sa matitigas na bungo
ng mga mulat na magsasaka
ipinanghahalik
sa nanggigitatang tuhod
ng isang poldet
ipinasisiping
sa maprinsipyong bibig
ng mga lider-manggagawa
malupit ang martilyo
marahas
kung pasista at ganid at utak-pulbura
ang magtatangan

ngunit mapagpalaya
mapagmahal
mapagkalinga
mapagkumbaba
kung mga kamaong sanay
sa init ng katanghaliang araw
o manhid sa lamig ng magdamag
o sa hambalos ng alon
o sa kapagalan ng katawan
ang tatangan
at mabagsik din kung kinakailangan
pinakamalupit ang asahan
higanti
mapula ang ulo ng martilyo
ng isang kamaong
pinagsasamantalahan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento