Martes, Agosto 10, 2010

Piko

ang piko
'di lamang pambungkal
ng nanigas nang lupa
o pangtibag
sa mga sementado, aspaltado
kungkretong daan o pader
'di inihugis arko
upang ihampas palagian
sa walang muwang na semento
'di tinulis ang mga dulo
nang sa gayo'y halikan
maya't maya
ang mapuputlang pader
na naghambalang
hindi lamang iyan
ang gamit ng piko

kung ikaw, obrero
ay nagngangalit
at ang dugo mo'y maalab
na nag-aapoy
sa dahilang obrero kang ninanakawan
ng dangal
at turing-baboy, alipin, makina
at himala para sa iyo
ang magsubo ng kanin
sa mga anak mong bundatin
at tibo sa puso mo
ang asawang madalas ubuhin
isipin mo, isipin mo
ang iyong piko
kabisaduhin ang tamang pagbayo
ang tamang paghawak
ang tamang pag-asinta
sa malambot na bumbunan
o matang nandudumilat
at isipin mo, isipin mo
ang iyong amo
ang malaki't bumibilog nitong tiyan
ang luwa nitong mga mata
ang mga ngiping ginto
ang mamahaling polo't sapatos
ang almusal, tanghalian, hapunan
nitong kaysasarap
at chedeng nitong makinang

isipin mo, isipin mo
na ang piko'y pangtibag
ng manhid na semento
pambungkal ng naninigas na lupa
at manhid nga, oo
manhid nga ang iyong amo
at matigas ang puso sa tulad mo


umpisahan ang pagbayo

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento