dito sa corazon
nakaamba, gabi-gabi
ang patalim
nakaamba ang maraming patalim
binabantaan tayong supilin
taniman ng dilim
agawan ng hininga
maraming patalim
ang mga mangwawasak
patalim ang traktora
patalim ang pison
patalim ang crow bar
ang jack hammer
ang lagari
patalim ang malalaking martilyo
iyan ang mga patalim na itatarak
nilang mga mangwawasak
dito sa dibdib
ng corazon
dito
sa bituka ng corazon
sa salimuot ng sikut-sikot
sa makisig, matapang na tindig
ng mga barumbarong
sa buhol-buhol na guhit
ng linyang koryente't tubig
nakaamba ang mga patalim
gabi-gabi
umaga at gabi
nguni't dito sa corazon
hindi lagim
ang mga nakaambang patalim
may nagbuklod tayong lakas
ang kawit-bisig nating likas
mga tapang nating pinatalas
ng kanilang dahas
mga tirador ng ating bunso
mga bubuuing molotov ng mga binatilyo
awitan ng mariringal nating dalaga
ang subok nang kalamnan ng bawat ama
di magwakas na kalinga ng bawat ina
at ang barikada ng bawat kaluluwa
ang hindi namamatay nating pagkakaisa...
ay higit pang matalim
sa mga patalim
ng mga mangwawasak
dito sa corazon
walang ubra ang patalim
mas matalim ang kamao nating nakatiim
*Anumang araw mula ngayon, maaaring sumugod, sumulpot ang mga mangwawasak sa Brgy. Jose Corazon De Jesus sa San Juan. Ito'y upang pasinayaan ang isang bagong munisipyo, at ang napagdiskitahan nilang burahin sa mapa ng lunsod ay ang nagsisikap na mamamayan ng nasabing barangay. Huwag nating hayaang magpatuloy ang pangwawasak ng mga ganid at linta.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento