mangangahas
patay-buhay kang
mag-aapuhap, magpipilit
abutin, hawakan, kapitan
ang lubid
na nagdurugtong
sa iyong pananalig
at sa itim na mukhang nahahapis.
kakapit ka nang mahigpit
kahit ipit
ang baga at ipinagdadamot ang hangin
at agawan ang hininga.
iyon ang iyong panata.
isinasabuhay. mitsa ng pag-asa.
taun-taon.
sinasabing kumakapit tayo sa patalim
sa mga panahon, sa mga pagkakataong nagigipit.
kakapit ka sa patalim.
iisa ang kinis at gaspang
ng patalim at lubid
na nagdurugtong
sa iyong pananalig
at sa itim na mukhang nahahapis.
kumakapit ka sa patalim
dahil hindi ka lubayan ng hagupit ng gipit.
naglalaro
sa buhay at kamatayan ang iyong pananalig.
*Sa Linggo, Enero a-Nueve, Pista ng Nazareno. Isa sa ipinagmamalaking, ipinagyayabang na tradisyon ng mga Pilipino. Na sabi nga ni Ser Stum: taon taon, halos tatlong milyon ang dumadagsang deboto ng Nazareno. sapat na sanang bilang para magtiyak ng mas maayos na Pilipinas. Sapat na sana. Sapat na sana.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento