Martes, Enero 11, 2011

Kay Mary Jean Suela*

Hinihintay namin ang hatinggabi.
Pagmamantikain ang aming mga labi,
may galak kaming makikisalo sa hamog ng Disyembre.

Nguni't anong katotohanan
ang sumurot ka sa bawat sandaling
lalantakan namin ang letsiyon, kaldereta,
ispageti, minatamis, leche, sorbetes,
keso de bola at hamon?

Umuukit sa gunita ang mga sisiw na nagtutuka-tuka
sa ibabaw ng mumurahin mong kabaong.

Umaalulong sa kalangitan
ang pangangaral ng pari sa 'di kalayuang simbahan.
Misa de Gallo ang kaabalahan ng lahat.

Kasabay nito ang pagsasaboy ng Amihan
ng malansang halik: ang iyong dugong nagsambulat sa lansangan.
Ang bungong dinurog ng malaking tubo
na sinlamig't simbigat ng iyong kamatayan
at ng iyong miserableng daigdig
sa ilalim ng isang tulay.

Habang inaatupag namin
ang pagwawaksi ng mga lukot
sa mga bagong damit na susuotin kinabukasan
upang ipampasyal, pang-aginaldo,
ipangalandakang bago,

Nalulunod naman sa luha ang pisngi
ng iyong ina,
samantalang yakap nang mahigpit
ang inulila mong tsinelas
at matamang nakatanaw sa lilaing bestida
na siyang pamasko mo sana
nguni't ngayo'y kasiping ng nilamog mong
bangkay.

    At tulad ng inabot mong kapalaran,
    masinsing pumapatak mula sa kalangitan
    ang maliliit na bubog, mistulang luha ng iyong lungkot.

Tahimik na nakatanghod sa iyong maliit na kabaong
ang paslit mong kapatid
na wala nang makasasama sa mga susunod pang pangangaroling,
bukas at sa mga susunod pang bukas.

Ngayon, hinihintay namin ang pagpupunit
ng mga balot ng regalo.
Ang masayang pagbati ng "Maligayang Pasko!"

At ikinakahon naman, ikinukulong, sinasaklot kami
ng iyong mapait na kapalaran.
Ang katotohanan, ipinapaalaala
na magdiriwang kaming mantikain ang mga labi't
'di panawan ng ngiti,
samantalang ikaw, 
basag ang bungo, 
inulila ang kapatid na bunso,
pinagtangis ang nagmamahal na ina,
pinagtiim bagang ang galit na ama

sa isang simpleng katangahan
at kawalang-ingat ng pamahalaan
na umagaw sa masaya mo sanang Pasko.
Ikaw na pauwi lamang mula sa pangangaroling
nang agawan ng hininga.

Manhid ang mundo namin, 
para sa mga tulad mong maliit, Mary Jean.



*Alay kay Mary Jean, 11 taon gulang. Na inagawan ng hininga ng malaking tubo na bumagsak sa kanya, sa ulo, pauwi mula sa pangangaroling noong Disyembre 22, 2010. Isang inosenteng biktima ng katangahan/kawalang-ingat ng MWSS.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento