Abalang iniisis,kinakaskas
ng isang karaniwang dyanitor
ang mga natuyong dugo
sa isang bakanteng werhaws
sa isang nalimot
nang gusali
na nakakubli sa sukal ng kakahuyan.
Humahalo ang tagaktak niyang pawis
sa mapulang bula
at naghalong sabon at tubig.
Nakaka-isang oras na siyang nagiisis,
nagkakaskas ng natuyong dugo.
Hindi siya matapus-tapos
'pagka't habang abala siyang nagpapagal,
humahalo naman
sa patay na hangin ng imbakan
ang mga palahaw ng iyak,
mura, halakhak
at palakpak ng baril:
sa kanyang isipan nabubuo ang imaheng karahasan.
Isang daliring putol
at fatigue na sumbrero ang umantala
sa kanyang pagka-abala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento