Martes, Abril 19, 2011

Hindi Sana Ako Aasa Sa Himala*

kung mayroon sanang matinong trabaho
kung mayroon sanang sapat na suweldo
kung mayroon sanang libreng pagkatuto
kung mayroon sanang gulugod ang gobyerno

kung mayroon sanang oportunidad maging tao

sa bansang nilalango ng ilusyong pagbabago
sa bansang nakahimod sa bayag ng mga kano
sa bansang ang gutom ay tradisyon at pribilehiyo

hindi sana ako aasa sa himala
hindi ko marahil nabitbit ang maleta
hindi sana ako nahulihan ng droga
hindi sana ako laman ng mga balita

hindi ako marahil mamamatay nang mas maaga
hindi sana ako aasa sa himala.


*kina Sally Ordinario, Ramon Credo at Elizabeth Batain, tatlong Pilipinong nakatakdang bitayin bukas, Marso 30, 2011, dahil sa pagpupuslit umano ng droga sa Tsina.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento