Napakabigat ng daigdig upang ipasan sa balikat.
Ni si Atlas nga'y umuunat, umaarko ang gulugod
habang pasan ang langit, lupa't tubig.
Ikaw pa kayang umaalog ang tuhod
makakita lang ng uod?
O umuurong ang bayag
makakita lang ng bungong nabasag?
Napakabigat ng daigdig upang ipasan sa balikat.
May mga problemang hindi mo talaga matatabig,
'wag mo nang tangkaing ipasan ang lupa, langit, tubig.
Paghandaan mo na lamang ang ngayon,
pagnilayan ang kahapon.
E ano kung sinakluban ka ng malas?
Hindi ba't lahat nama'y lumilipas?
Hindi mo mapapasan ang daigdig.
Hindi sagot ang pagbaril sa ulo
at dugo'y idilig
sa walang muwang na semento.
Huwag mong pasanin ang daigdig.
Ang mabuhay ay sadyang maligalig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento